Thursday, February 14, 2019

Kalibo PNP Chief: nag-iinom sa mga pampublikong lugar pwedeng ikulong, pagmultahin


MULING NAGBABALA si PSupt Richard Mepania, hepe ng Kalibo PNP, sa umiinom sa mga pampublikong lugar sa kabiserang bayang ito.

Kagabi ay ilang mga indibidwal ang kanilang dinampot, kabilang na ang mga menor de edad, na sangkot sa inuman sa kalsada sa kahabaan ng N. Roldan St., Poblacion, Kalibo.

Kinulong ng kapulisan ang nasa hustong gulang na habang pinangaralan naman ang mga menor de edad sa Women and Children Protection Desk kasama ang Muncipal Social Welfare and Development Office at ipinatawag ang kanilang mga magulang.

Ayon kay Supt. Mepania, ang mga mahuhuling nag-iinom sa mga pampublikong lugar ay pwedeng pagmultahin o kaya ay ikulong batay sa code of general ordinances ng bayan ng Kalibo.

Nakasaad rito sa Article 3 ang pagbabawal sa pag-iinom sa mga sidewalk, sidestreet at iba pang mga pampublikong lugar. Sa unang paglabag ay maaaring makulong ng tatlong araw ang lumabag o pagmultahin ng Php500.

Sa ikalawang paglabag ay maaari namang makulong ng limang araw o pagmultahin ng Php1000. Sa ikatlo at mga sumunod pang paglabag ay ikukulong ng 20 araw o pagmultahin ng Php2,500 ang mga lumabag.

Mensahe niya sa taumbayan na kung hindi maiiwasan ang pag-inom ay uminom nalang sa loob ng kanilang bahay.##

- Kasimanwang Darwin Tapayan, Energy FM Kalibo

No comments:

Post a Comment