PINAAALIS NGAYON ng mga magulang at ilan pang concerned citizen ang principal ng Estancia Elementary School sa Estancia, Kalibo.
Mahigit 300 mga magulang ang lumagda sa magkahiwalay na mga petisyon kontra sa principal na si Mary Ann Alcedo dahil sa umano'y hindi niya magandang ugali at hindi mabuting pamamalakad sa eskwelahan.
Kabilang sa binanggit nila ang umano'y pagpapahiya niya sa mga guro sa kanilang mga pagpupulong at maging sa harap ng mga magulang at mga mag-aaral.
Hindi rin umano mabuti ang pakikitungo niya sa mga opisyal ng barangay, Parents and Teachers Association at sa mga miyembro ng 4Ps.
Sinasabi rin umano niya na walang pakialam ang mga PTA officer sa reklamo ng mga guro, magulang at mga mag-aaral. Hindi rin umano pwedeng mangialam ang konseho ng barangay.
Nabatid na sa 17 mga guro sa paaralan, 14 dito ang kagalit ng prinsipal.
Sa hiwalay na petisyon nakasaad naman ang pagkabahala ng ilang nga magulang na apektado na ang pag-aaral ng kanilang mga anak.
Sinubukan ng Energy FM Kalibo na kunin ang pahayag ng punong guro pero tinanggihan nito ang aming lakad sa kanyang tanggapan.
Ang mga petisyong ito ay ipinadala na sa tanggapan ng DepEd Division Office at konseho ng barangay para sa kaukulang aksiyon.##
No comments:
Post a Comment