Thursday, July 19, 2018

MAY-ARI NG MGA BARIL NA NAREKOBER SA KOTSE NA NADISGRASYA SA IBAJAY PATULOY NA TINUTUKOY

(update) Patuloy na inaalam ng kapulisan kung sino ang nagmamay-ari ng dalawang baril na narekober sa loob ng nadisgrasyang kotse sa Brgy. Colong-colong, Ibajay gabi ng Linggo.

Ang mga baril na ito ay isang 9mm at 45 caliber. Ayon kay PCInsp. Ariel Nacar, hepe ng Ibajay PNP, wala umanong mga bala ang mga baril na ito nang marekober ng kapulisan.

Sinabi pa ni Nacar na isang retiradong sundalo na hindi na pinangalanan pa ang dumulog umano sa kanilang tanggapan kinabukasan matapos ang insidente at inaangkin ang mga baril na nagpakita rin ng mga dokumento.

Beberipikahin parin umano ang mga ipinakita niyang dokumento. Sa ngayon ay hinihintay pa ng Ibajay PNP ang sagot ng Firearms and Explosive Division ng PNP sa Campo Crame para mapatunayan kung sino ang nag-mamay-ari ng mga ito.

Iginiit rin niya sa panayam ng Energy FM Kalibo hapon ng Miyerkules na hindi pwedeng makasuhan ang driver at isa pang sakay ng kotse dahil hindi narekober ang mga baril sa kanilang posisyon.

Matatandaan na sumalpok sa pader ang kotseng ito na menamaneho ni Adrian Alag kasama ang sakay na si Randy Fernandez, parehong taga-Brgy. Laguinbanwa, Ibajay, at nasa impluwensiya ng nakalalasing na inumin ng maganap ang insidente.

Parehong nagtamo ng mga sugat sa katawan ang dalawa at mabilis na isinugod sa ospital ng rumespondeng mga tauhan ng Municipal Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO).

Base sa ulat ng Ibajay PNP, hindi kasama sa aksidente ang naturang retiradong army. Itinatanggi naman ng driver at ng sakay nito ang mga nasabing baril. Inaalam rin kung sibo ang nagmamay-ari ng kotse.

Nabatid na ang driver ng kotse ay anak ni dating SB member Ariel Alag at ngayon ay MDRRMO officer sa nasabing bayan. | Darwin Tapayan, EFM Kalibo

No comments:

Post a Comment