Thursday, July 11, 2019
Pagsisiga kontra dengue? Alamin ang sagot ng munisipyo ng Kalibo
ISINISISI NG ilang tao sa bayan ng Kalibo na ang pagtaas ng kaso ng dengue ay dahil sa pagbabawal ng munisipyo sa mga tao na magsiga sa kanilang paligid.
Sa panayam ng Energy FM Kalibo, sinabi ni Adorada Reynaldo, head ng Solid Waste Managenent Services ng munisipyo, wala umanong sayantepikong batayan ito.
Dahil rito patuloy umano nilang ipinatutupad ang Municipal Ordinance No. 2004-009 o Ecological Solid Waste Management Code ng Kalibo.
Iginiit ni Reynaldo na ang lokal na ordinansa ay batay sa umiiral na mga batas sa bansa. Aniya ang pagsisiga ng basura o open-burning ay nagdudulot ng polusyon sa hangin.
Pero nilinaw niya na ang pagpapausok gamit ang mga dahon o mga kahoy kontra lamok ay hindi ipinagbabawal gaya ng bunot ng niyog, mosquito tree o kakawati.
Nanawagan siya sa taumbayan na panatilihing malinis ang paligid, linisin o alisin ang mga bagay na maaring pamuguran ng mga lamok.
Sa kabilang banda, sa Brgy. Briones sinabi ni Punong Barangay Rafael Briones na pinahihintulutan niya ang kanyang mga tao na magsiga.
Giit niya, nakakaalarma na ang kaso at para sa kapakanan ng kanyang mga nasasakupan ay handa umano siyang makulong dahil dito.##
- Kasimanwang Darwin Tapayan (with report from Kasimanwang Joel Nadura), Energy Fm 107.7 Kalibo
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment