Friday, July 12, 2019

Madalag nag-aanyaya sa lahat sa kanilang ‘Tinuom ni Aewag’ Festival

photos: Las Islas / Amazing Madalag
KALIBO, AKLAN – Inaanyayahan ng pamahalaang lokal ng Madalag ang mga Aklanon at mga taga-ibang lugar na saksihan ang kanilang taunang ‘Tinuom ni Aewag’ Festival sa darating na Hulyo 29.

Ayon kay Rowena Hungay, Information Officer I ng munisipyo, bahagi ng pagdiriwang ang ‘tinuom food feast’ kung saan maaaring makabili at matikman ng mga bisita ang iba-ibang ‘tinuom’.

Ang ‘tinuom’ ay isang uri ng luto kung saan ang ulam kadalasan ay mga isda ay binabalot sa dahon ng saging at lutuin sa uling. Habang si ‘Aewag’ ay isang datu na kinikilala sa bayan.

Sinabi ni Hungay na ang pagdiriwang na ito - ngayon ay sa ikaapat na taon na - ay naglalayong maibalik o ipakita ang dating pamamaraan ng pagluto gamit lamang ang asin bilang kadalasang pampalasa.

Bahagi rin ng aktibidad ang dance presentation kung saan ang mga kalahok na mga estudyante o 'mga inapo ni Aewag' ay sumasayaw sa kalye bitbit ang mga tinuom.

Sa gabi ay kokoranahan ang Tinuom ni Aewag Festival Queen ngayong taon na si Friannah Faye Reyes. Susundan ito ng grand binayle. Bisita rito ang grupong CINCO, all male dancers and singers.

Samantala, sa Hulyo 30 ay ipagdiriwang naman ng mga Madalagnon ang ika-71 taon ng paghihiwalay ng bayan ng Madalag sa bayan ng Libacao taong 1948.


Kaugnay rito, isang misa ang isasagawa, susundan ng parada at isang programa para gunitain ang pagkakatatag ng Madalag bilang hiwalay na bayan. May mga laro rin ng lahi pagkatapos.##

- Kasimanwang Darwin Tapayan, Energy FM Kalibo

No comments:

Post a Comment