Wednesday, July 10, 2019

LGU Kalibo: kaso ng dengue hindi "alarming"; hindi magdi-deklara ng State of Calamity


KALIBO, AKLAN - Hindi umano alarming ang kaso ng dengue sa bayan ng Kalibo ayon kay Dr. Makarius Dela Cruz, Municipal Health Officer.

Sinabi niya sa isang press conference nitong Martes na "increasing" lamang at hindi "alarming" ang kaso ng dengue sa kabiserang bayan.

Ipinahiwatig rin niya na may deskrepansiya sa ulat ng Provincial Health Office (PHO). Kailangan rin aniya na dumaan sa confirmatory test ang mga pasyente na sinasabing may dengue.

Mababatid na batay sa ulat ng surveillance unit ng PHO, ang Kalibo ang may pinakamataas na kaso ng dengue sa Aklan na may 394 kaso.

Sinasabing nasa tatlo na ang namatay sa nasabing sakit sa bayan ng Kalibo.

Sa buong Aklan, umabot na sa 1,603 ang kaso. Una nang sinabi ni Dr. Cornelio Cuachon ng PHO na sobrang nakakaalarma na ang nasabing kaso.

Pinuna rin niya at ni Basil Tabernilla, Executive Assistant to the Mayor, ang aniya ay mga maling ulat ng media tungkol sa kaso ng dengue sa Aklan na nagdudulot umano ng panic sa mga tao.

Ayon pa sa health officer, hindi umano nagkulang ang kanyang tanggapan at ang lokal na pamahalaan sa pagpapaalala sa mga tao sa pagsugpo ng dengue.

Iginiit pa niya na trabaho umano ng bawat-isa ang maglinis ng kapaligiran para maiwasan ang pamamahay ng mga lamok.

Sa kabilang banda sinabi ni Terence Toriano, MDRR Officer, na hindi pwedeng ideklara ang bayan ng Kalibo kung pagbabatayan ang bagong guidlines ng NDRRMC Memorandum Order No. 60 series of 2019.

Ang memorandum ay nagsasaad ng mga pamantayan sa pagdedeklara ng State of Calamity.##

- Kasimanwang Darwin Tapayan (with report from Kasimanwang Joel Nadura), Energy FM Kalibo

No comments:

Post a Comment