Ito ang kinumpirma ni Dr. Cornelio Cuachon ng PHO-Aklan sa panayam ng Energy FM Kalibo Biyernes ng umaga. Sinabi ng local health official na "very alarming" na ang kaso ng dengue sa Aklan.
Kapansin-pansin aniya ang mabilis na pagtaas ng kaso ng dengue nitong mga nakalipas na linggo. Sa tala ng surveillance unit ng PHO-Aklan nitong Hulyo 6, umabot na sa 2,171 ang kaso at 15 ang patay.
Nilinaw naman ni Cuachon na kalakip sa bilang na ito ang nasa 50 dengue patient mula sa mga karatig lugar sa probinsiya ng Antique at Capiz na isinugod sa mga ospital dito sa Aklan.
Batayan umano ng pagdideklara ng outbreak ang mataas na rekord ng kaso ng dengue kompara sa inaasahan. Pagbabatayan rin aniya ang entomological, laboratory at environmental investigation.
Sinabi pa ni Cuachon na ang pagdideklara ng outbreak ay kailangan kung sakaling isailalim sa state of calamity ang lalawigan para magamit ang limang porsyento ng calamity fund.
Sa kabila nito nanawagan ang opisyal na huwag magpanik at sa halip ay sumunod sa 4S kontra dengue.
Sa kabila nito nanawagan ang opisyal na huwag magpanik at sa halip ay sumunod sa 4S kontra dengue.
Inaasahan na sa darating na Lunes ay magpupulong ang Task Force sa pangunguna ni Governor Joeben Miraflores para pag-usapan ang pormal na deklarasyon ng dengue outbreak sa Aklan.##
- Kasimanwang Darwin Tapayan (with report from Kasimanwang Jodel Rentillo), Energy FM Kalibo
No comments:
Post a Comment