Pwede nang maadmit ang mga dengue patient sa mga pribadong hospital sa Aklan na hindi kayang i-admit sa government hospital dahil sa kakulangan ng pasilidad.
Ito ay kapag nalagdaan na ang isang Memorandum of Agreement sa pagitan ng gobyerno probinsiyal ng Aklan at mga pribadong pagamutan.
Ito ang sinabi ni Dr. Cornelio Cuachon ng Provincial Health Office (PHO)-Aklan sa panayam ng Energy FM Kalibo Biyernes ng umaga. Katunayan, minamadali na aniya ang paglagda rito.
Paliwanag ng provincial health official, ang hakbang na ito ay kasunod narin ng aniya "very alarming" na bilang ng kaso ng dengue sa probinsiya at sa pagdami ng mga pasyente sa Aklan Provincial Hospital.
Sinabi niya na ang St. Gabriel Memorial Medical Center, Panay Medical Health Care, at ang Aklan Cooperative Mission Hospital ay nagpahiwatig na ng kanilang kagustuhan na makipatulungan sa gobyerno probinsiyal.
Dagdag pa ng opisyal, maglalaan umano ng pondo ang gobyerno probinsiyal sa mga ospital na ito para masagot ang pagpapagamot ng mga pasyente rito.
Samantala, humingi narin ng tulong sa Department of Health (DOH) ang probinsiya na maglaan ng karagdagang mga nurses sa probinsiya.
Nagrequest na ng mga karagdagang dengue testing kit ang PHO-Aklan sa DOH, mga karagdagang dextrose, paracetamol, at iba pang mga gamot.##
- Kasimanwang Darwin Tapayan (with report from Kasimanwang Jodel Rentillo), Energy Fm 107.7 Kalibo
No comments:
Post a Comment