IPAPATAWAG UMANO ni Board Member Hary Sucgang ang mga kinatawan ng Development Bank of the Philippines kaugnay ng Php1.53 billion loan facility ng pamahalaang lokal ng Aklan.
Ito ang mariing sinabi ng opisyal sa panayam ng Energy FM Kalibo araw ng Huwebes. Aniya, nais umano niyang pagpaliwanagin ang bangko sa naturang usapin.
Kinukuwestiyon ni Sucgang bakit umabot sa ganito kalaki ang uutangin ng probinsiya samantalang ang hiling lamang aniya ni Gov. Florencio Miraflores sa Sanggunian na aprubahan ay Php153 million.
Mababatid na lumagda sa kasunduan ang pamahalaang panlalawigan sa pamamagitan ng gobernador at ang nasabing bangko para sa Php1.53 billion loan facility.
Ipinagkaloob rin sa gobyerno probinsyal ang Php153 million initial availment para gamitin umano sa mga iba-ibang proyekto at gastusin.
Ang reklamo na ito ni Sucgang ay sinagot na ni Vice Governor Boy Quimpo sa isang press conference na hindi dinagdagan ng Sanggunian ang uutangin.
Aniya bago ipagkaloob ng bangko ang Php153 million na uutangin ay kailangang maaprubahan muna ang Php1.53 billion loan facility. Pinaliwanag ni Quimpo na hindi pa utang ang loan facility.
Sinabi pa ng bise gobernador na ang usapin sa Php1.53 billion loan facility ay lumabas umano sa pagdinig ng komitiba sa Sanggunian kung saan ipinatawag ang DBP. Wala umano sa pagdinig si Sucgang.
Nang isalang rin sa plenaryo ang pag-apruba nito ay hindi rin nagkuwestiyon ang board member.
Pinuna ni Quimpo ang umano'y mga misinformation na pinalalabas ni Sucgang sa mga radio station sa probinsiya. Pag-aaralan pa umano ng Sanggunian kung pwedeng ma-sunction ang board member.
Inaasahan na sa Lunes sa regular session ng Sanggunian ay bubuksan ni Sucgang ang nasabing usapin at ang kanyang pakay na ipatawag ang mga kinatawan ng nasabing bangko.##
- Energy FM Kalibo
No comments:
Post a Comment