Thursday, September 20, 2018

MGA NEGOSYANTE SA BANGA AT NEW WASHINGTON, AKLAN NILUKO NG NAGPAPAKILALANG DEALER AT SUPPLIER NG BIGAS, MAHIGIT P3 MILYON NAKULIMBAT NG SUSPEK

Dumulog na sa PNP station ang mahigit anim na negosyante sa Banga, Aklan na nabiktima ng pangluluko o scam.

Tinangay raw ng suspek ang mahigit tatlong milyong piso na investment ng mga magkakaibang negosyante.

Ang modus ng suspek na si Carlito Ramirez, hinihikayat raw ang mga negosyante na mag-invest sa negosyo nitong bigas na halos 50 percent ang tubo.

Nitong Marso ay nakiusap raw ito sa 70 anyos na babae na rentahan ang bahagi ng building nito sa Margarita St. Poblacion Banga para magsilbing pwesto at opisina.

Maging ang may-ari ng nabanggit na building ay nabiktima rin at nakapag-invest ng mahigit dalawang milyon, at naghikayat pa ng ibang negosyante dahil sa sobrang tiwala.

Nag-umpisa raw ang panghihikayat ng suspek noong Marso at maganda naman ang naging takbo ng negosyo.

Lahat ng nag-invest ay kumita raw ng 50 percent sa unang transaksiyon kaya nahikayat ang mga ito na taasan pa ang kanilang investment.

Makalipas ang mga buwan naglaho raw na parang bula ang mga pangakong tubo.

Nagsara na rin daw ang pwesto nito at hindi na alam ng mga negosyante kung nasaan ito ngayon.

Kinausap ng PNP Banga ang nanay nito sa Jugas New Washington, ayon sa nanay umalis na raw ang suspek kasama ang pamilya nito at wala raw bilin kung saan sila tutungo.

Sasampahan na ng kasong ESTAFA ang suspek ngayong araw.

No comments:

Post a Comment