Tuesday, July 10, 2018

SWIMMING SA BORACAY NG MGA EUROPEAN DELEGATE MAY KOORDINASYON SA INTER-AGENCY - PNP REGION 6

May koordinasyon sa Inter-Agency Task Force ang swimming activity sa Boracay ng 21 European delegate ng GenFest International ayon sa PNP regional office 6.

Sinabi ni PSupt. Joem Malong, tagapagsalita ng PRO6, na bahagi ng kanilang itinerary ang pagbisita sa Boracay at dumaan umano ito sa security committee.

Aniya bumisita umano sa Ati Village ang grupo para pag-aralan ang kultura ng mga katutubo pagkatapos ay pinahintulutang makaligo sa baybayin ng Isla na tumagal ng nasa 30-minuto.

Kasama ng mga delegado ang local festival organizers at mga kapulisan habang naliligo sila sa Station 1 hapon ng Miyerkules nong nakaraang linggo.

Hindi rin nagtagal ang mga dayuhan sa Isla at bumalik rin sa Kalibo para tumulak sa Manila para sa kanilang main event.

Paliwanag pa ni Malong, nais rin umanong ipakita ng Inter-Agency sa mga dayuhang ito ang ginagawang rehabilitasyon sa Boracay.

Ang grupo ay ipinadala sa probinsiya para sa kanilang pre-festival event bago ang kanilang main event sa Manila. Nabatid na ang GenFest ay inorganisa ng isang Catholic movement na nakabase sa Roma.

Sa kabila nito, pinasiguro ni Malong na ginagawa naman ng kapulisan sa Isla ang kanilang trabaho para maging maayos at mapayapa ang nagpapatuloy na rehabilitasyon dito. | Darwin Tapayan, EFM Kalibo

No comments:

Post a Comment