Thursday, March 14, 2019

Isang Bar and Resto sa Kalibo ipinasara ng LGU dahil sa iba-ibang paglabag


IPINASARA NG pamahalaang lokal ng Kalibo ang Boracay Closure Bar and Resto sa Kalye Kulinarya sa Kalibo ngayong gabi sa kahabaan ng Veterans Avenue dahil sa iba-ibang paglabag.

Ayon kay PSupt Richard Mepania, wala umanong Mayor's Permit ang nasabing bar and resto. Maliban rito nakatanggap umano siya ng mga reklamo mula sa mga residente sa lugar na magdamag ang inuman dito at nag-iingay ang kanilang mga kostumer.

Aniya batay sa lokal na ordinansa dapat ay hanggang 11:30 lamang ang pagpapa-inom nila kumpara sa mga ibang bar na pwedeng magdamag dahil nakapinid ang kanilang mga establisyemento.

Napag-alaman na ang Boracay Closure ay nagrerenta lamang sa binakanteng pwesto ng Mugz and Wheel at hindi direktang nagbabayad sa munisipyo. Sa labas lamang ang inuman at malapit sa kabahayan.

Sinabi ni PSupt. Mepania na makailang ulit na umano silang binalaan niya at ng Municipal Economic Enterprise and Development Office (MEEDO) pero hindi parin umano sila sumusunod.

Ngayong araw ay naglabas ng atas si Mayor William Lachica na ipasara ang nasabing establisyemento batay sa rekomendasyon ng Kalibo PNP at ng MEEDO.

Isinerbe ni Supt Mepania ang closure order. Tinanggap naman ito ni Radesa Gelito ang nagmamay-ari ng nasabing bar and resto.

Si Gelito ay taga-Boracay at isa umano sa mga naapektuhan ng pagsasara ng Isla kaya minabuting lumipat dito sa Kalibo para ipagpatuloy ang negosyo at nasa ilang buwan nang nag-ooperate dito.

Ipinaligpit na ng kapulisan ang kanilang mga gamit at isinara ang nasabing pwesto at pinaskilan ng tarpaulin na nagsasabing "this establishment is hereby closed."##

- Kasimanwang Darwin Tapayan, Energy FM Kalibo

No comments:

Post a Comment