ISINUSULONG NGAYON ng Sangguniang Bayan ng Batan ang pagtatayo ng tulay na magkokonekta sa kanilang bayan at bayan ng New Washington.
Isang resolusyon ang ipinasa nila na humihingi ng tulong o pondo mula kay Sec. Mark Villar ng Department of Public Works and Highways para sa proyektong ito.
Ayon sa resolution 2018-177 ng munisipyo, ang panibagong tulay ay magdadala ng malaking pag-unlad sa edukasyon at kabuhayan ng mga nasabing bayan.
Nabatid na mainam itong daanan para mapabilis ang biyahe mula Capiz at Iloilo kumpara kung dadaan pa ng Altavas, Balete at Banga patungo sa at mula Kalibo.
Ang dagat na humahati sa dalawang bayan ay nasa isa at kalahating kilometro. May ilang bangka ang bumibiyahe dito para makatawid.
Idinulog ng Sangguniang Bayan ang nasabing resolusyon sa Sangguniang Panlalawigan ng Aklan para i-indorso ang resolusyon kay Sec. Villar.
Sa regular session ng SP-Aklan ngayong araw ng Lunes napagkasunduan na isang pagdinig ang ipapatawag upang alamin rin ang plano ng pamahalaang lokal ng New Washington.
Ipapatawag rin ang DPWH Aklan para alamin kung anong uri ng tulay ang itatayo. Iminungkahi rin na idulog ito sa National Infrastructure Development Authority. ##
- Darwin Tapayan, Energy FM Kalib
No comments:
Post a Comment