Monday, September 03, 2018

IRRIGATION SYSTEM NG NIA-AKLAN ANIM NA BUWANG ISASARA

ISASARA NG National Irrigation Authority (NIA) - Aklan ang irrigation system sa Aklan sa loob umano ng anim na buwan simula Oktobre.

Ito ang pahayag ni Lorena Sioco, NIA Acting Division Manager sa pagdinig ng Committee on Agriculture sa Sanggunian.

Isa ang NIA sa mga ahensiya ng gobyerno na pinatawag ng Sanggunian para sa pagbusisi sa walang tigil na pagtaas mga presyo ng bigas sa Aklan.

Paliwanag ni Sioco, ang total closure ng East at West irrigation system ay para bigyang-daan ang rehabilitasyon ng mga irrigation canal at ang paggawa ng dam.

Aniya sa kanilang mga inspeksyon sa mga kanal halos kalahati nalang ng tubig ang pumapasok mula sa Aklan river at hindi na nakakarating sa dulo.

Dulot umano ito ng pagbaba ng river bed ng ilog. Maliban rito, may mga bumabara pang mga basura sa mga kanal.

Aniya bagaman ang pagsasara ay makakaapekto sa produksiyon ng palay sa probinsiya pansamantala lamang ito at kapalit naman ay sagana at maayos na patubig.

Dagdag pa niya, ang panahon ng Oktobre at mga susunod na buwan ay panahon naman ng tag-ulan.

Nakipag-ugnayan na umano sila sa mga magsasasaka na umaasa sa patubig ng NIA at kumporme naman umano sila sa hakbang na ito.##

- Darwin Tapayan, Energy FM Kalibo

No comments:

Post a Comment