Tuesday, October 04, 2016

Labi ng butanding, napadpad sa baybayin ng Malay, Aklan

NI DARWIN TAPAYAN, ENERGY FM 107.7 KALIBO
Photos: (c) Jackie Lou Lozada

Isang butanding na may 17 talampakang haba ang natagpuang patay sa tabing-baybayin ng Naasug, Malay, Aklan nitong araw ng Sabado.

Sa pag-usisa ng mga Malay Bantay-Dagat at maritime police, napag-alamang naaagnas na ang naturang hayop.

Nabatid na ito rin ang unang pagkakataon na inanod sa baybayin ng Malay ang ganito kalaking butanding.

Sinasabing malamang ay dahil sa katandaan ng edad kaya namatay ang butanding. Sinasabing karaniwang tumatagal ang buhay ng mga ito sa pagitan ng 50-70 taon.

Kinailangan pa ang isang backhoe loader para maialis sa lugar ang butanding na may lapad na tatlong metro para mailibing sa isang malapit sa lugar.

Napag-alamang nanganganib na ang ganitong uri ng hayop base sa ulat ng International Union of Conservation of Nature (IUCN).

No comments:

Post a Comment