Tuesday, October 04, 2016

Teacher’s Day ipagdiriwang bukas

NI DARWIN TAPAYAN, ENERGY FM 107.7 KALIBO

Kakalembangin ang mga kampana ng nasa mahigit 400 mga pribado at pampublikong paaralan sa Aklan at agad na susundan ng isang ecumenical prayer bukas, alas-10:05 ng umaga, bilang bahagi ng pagdiriwang ng Teachers’ Day.

Sa panayam ng Energy FM Kalibo kay Department of Education (DepEd) Aklan Division Supt. Dr. Jesse Gomez, sinabi niya na maging ang ibang tanggapan ng gobyerno ay magdiriwang din ng Teachers’ Day. Binigyang diin niya na marahil wala ang ibang indibidwal sa kanilang mga propesyon kung wala rin ang mga guro.

Maliban rito ay nakatakda ring magsagawa ng mga simpleng programa ang mga paaralan bilang pagbibigay-pugay sa mga guro. Napag-alaman na ang Aklan sa kasalukuyan ay mayroong mahigit sa 4,000 guro na nagtuturo sa mga pampublikong paaralan.

Gayunman, pinaalala niya na walang anumang sapilitang kontribusyon ang gagawin mula sa mga estudyante para sa mga aktibidad na ito maliban na lamang kung napagkasunduan ng mga guro at mga magulang.

Dagdag pa niya na pagkakataon na ng mga guro bukas na makapagpahinga maliban lamang anya sa mga Grade 6, 10, at 11. Gayunpaman, nilinaw niya na bukas ay isang working holiday para sa mga nagtatrabaho sa mga paaralan.

Nabatid na maliban sa Teachers’ Day, inilaan din ng pamahalaan ang isang buwang pagdiriwang para sa mga guro mula Setyembre 5 hanggang Oktubre 5 na siya ring Teachers’ Month. Ang buong pagdiriwang ay may tema ngayong taon na “Guro: Kabalikat sa Pagbabago”.

No comments:

Post a Comment