Dumulog sa Kalibo PNP Station ang isang negosyante sa Kalibo, Aklan dahil sa pananakot ng isang nagpakilalang “Ka Ramil” na leader raw ng rebelde mula sa Antique at humihingi ng P5,000.00.
Tinanggihan daw nila ang hiling ng suspek at doon na nag-umpisa ang pananakot at pagbabantang may masamang mangyayari sa kanilang pamilya.
Nagulat na lang ang pamilya ng negosyante nang nitong umaga ay may dalawang bala ng baril ang nakita sa loob ng kanilang compound na pinaniniwalaan nilang ihinagis roon ng suspek.
Dahil dito ay nagdesisyon na ang biktima na dumulog sa Kalibo PNP at dito nila nalaman na may ganitong modus na rin na nangyari sa bayan ng Numancia kung saan nahuli ang mga suspek sa pamamagitan ng entrapment operation at kalaunan ay nasampahan na rin ng kaso.
Para makita ang mga suspek, pumunta roon ang mag-asawa para tingnan ang larawan ng mga nahuling suspek at isa sa mga ito ang namukhaan ng negosyante.
Ang lalaking ito raw ay makailang ulit na pumunta sa shop nila at nagtanong tungkol sa negosyo nilang metal works.
Sa ngayon ay plano magsampa ng kaso ng negosyante laban sa nasabing lalaki.
No comments:
Post a Comment