Monday, June 17, 2019
Lalaki arestado sa pagsasanla ng mga pekeng gintong singsing; paggamit ng mga pekeng ID, pangalan
ARESTADO ANG isang lalaki sa pagsasangla ng mga pekeng gintong singsing sa mga pawnshop dito sa Kalibo.
Maliban rito napag-alaman na peke rin ang mga ID na ginagamit niya gamit ang iba-ibang mga pangalan.
Sa ngayon ay hindi pa malinaw kung ano talaga ang totoo niyang pangalan. Taga-Davao umano siya at baguhan lang sa Kalibo.
Ayon kay PSSgt. Erick De Lemos, imbestigador ng Kalibo PNP, nakapagsanla na umano ng tatlong singsing sa tatlong pawnshop ang lalaki bago madiskubre ng mga elohera na peke ang mga ito.
Sinabi ni De Lemos, dumaan din umano ito sa pagsusuri ng mga elohera sa pawnshop pero wala naman umanong naging problema kaya ito nasangla.
Huli na nila nabatid na ang panlabas nito ay makapal na ginto at ang loob ay bakal lamang pala.
Napag-alaman na lamang umano nila sa group chat mula sa ilang pawnshop sa Iloilo na nakapambiktima rin siya doon.
Sa huling pawnshop na pinagsanglaan niya, nagmessage umano sa kanya ang staff na nakalimutan niya ang kanyang ID doon bagay na binalikan niya at doon siya pinadakip sa mga pulis.
Nakumpiska sa kanya ang ilan pang singsing, mga pekeng ID na may iba-ibang pangalan pero gamit lang ang kanyang larawan, nasa Php24,000 na pera, mga resibo ng pagpapadala niya ng pera, at mga pekeng dokumento.
Nakakulong na ngayon sa lock-up cell ng Kalibo ang suspek. Sinubukan naming kunin ang kanyang pahayag pero tumanggi ito.
Posible siyang sampahan ng mga kaukulang kaso.##
- Kasimanwang Darwin Tapayan, Energy FM Kalibo
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment