file photo of Energy FM Kalibo |
Ito ang sinabi ni Mary Gay Joel, head ng Traffic Transport Management Division ng pamahalaang lokal ng Kalibo, sa panayam ni Kasimanwang Joel Nadura dito sa Energy FM Kalibo.
Ayon kay Joel, nais umano nilang gawing legal ang operasyon ng mga "colorum" na tricycle sa pamamagitan ng pagbibigay ng special permit sa kanila.
Isa umano ito sa napagkasunduan sa binuong Technical Working Group ng pamahalaang lokal para pag-aralan ang pag-amyenda sa 15-taon nang traffic code.
Sabi niya, ang planong operasyon ng mga kolorum na tricycle ay alas-6:00 ng gabi hanggang alas-6:00 ng umaga. Magkakaroon din umano sila ng color coding para ma-identify sila sa mga tricycle na may mga prangkisa.
Mababatid na ilang kolorum na tricycle sa kabiserang bayang ito ang mga naiulat na nasasangkot sa kriminalidad, pero hirap ang mga otoridad na matukoy agad ang driver at ang sasakyan dahil sa hindi ito rehistrado sa munisipyo.
Ito umano ayon kay Joel ay magsisilbing paraan para madokumento ang mga kolorum na tricycle na bumibiyahe dito.
Mababatid rin na isa sa mga matagal nang hinaing ng mga kolorum na tricycle driver ay ang pagtigil na ng munisipyo na mabigyan sila ng prangkisa para legal na makabiyahe sa kagustuhan nilang makapaghanap-buhay.
Nakatakdang dinggin ang nasabing panukala at iba pang mga isinusulong na bagong probisyon ng traffic code sa Committee on Transportation ng Sangguniang Bayan nitong darating na Biyernes.
Iimbitahan sa nasabing pagdinig ang mga kinatawan ng tranport sector, mga komyuters at iba pa para pakinggan ang kanilang mga hinaing.##
- Kasimanwang Darwin Tapayan, Energy FM Kalibo
No comments:
Post a Comment