Thursday, June 27, 2019
PANOORIN: Batang babae mula Buruanga, Aklan viral dahil sa pagkanta sa kanyang lola
KALIBO, AKLAN - Viral ngayon sa facebook ang isang batang babae mula Buruanga, Aklan dahil sa pagkanta sa kanyang lola ng "Aking Pagmamahal".
Siya si Kristina Cayla Flores Dolola ng Brgy. Poblacion, Buruanga, 10-anyos, at Grade 6 student sa Buruanga Elementary School.
Sa sandaling ito, umabot na sa dalawang milyon ang views ng video. Nasa 59 libo na ang reaksiyon, 4.6 libong mga komento, at nasa 96 libo na pagbabahagi simula nang maipost ito noong Hunyo 22, 1:08 ng hapon.
Makikita sa video na kinakantahan ng bata ang kanyang lola na nakahiga sa tabi niya sinasabayan ang tugtog sa cellphone. Kapansin-pansin ang pagkaaliw ng kanyang lola na si Victoria Flores, 74-anyos.
Nabatid na ang nagvideo ay ang kanyang mommy at inaplod sa facebook account ni KC at hindi nila inaasahan na magba-viral ang post. Katunayan, nakatakda siyang ifeature sa isang documentary program ng isang national TV.
Umani ng paghanga sa mga netizen ang husay ng bata sa pagkanta at sa ganda ng kanyang boses. Marami rin ang naantig sa "chemistry" ng bata at lola sa video. Ilang netizen ang nagsabing napaiyak sila at ang iba ay nagsasabing na-miss nila ang kanilang mga magulang.
Napag-alaman na isang stroke survivor ang kanyang lola na siya umanong nag-alaga sa kanya mula nang siya ay ipinanganak. Ayon sa kanyang tito na si Peter John Flores, talagang malapit sa isa't isa ang maglola.
Sinabi ng kanyang tito na siya ang ang nagko-coach sa bata sa pagkanta na tinatama umano niya si KC kapag hindi niya natatamaan ng husto ang nota. Ang kanyang tito ay isang composer na nag-compose ng municipal hymn ng Buruanga.
Posible umanong namana ni KC ang talento niya sa pagkanta sa kanyang mga magulang na sina Laurence Stephanie at Jonathan Dolola dahil sa mga magaganda nilang boses.
Madalas umano siyang sumasali sa mga singing contest at maraming beses nang nanalo. Lumalahok rin siya sa mga journalism contest sa paaralan. Siya ay consistent honor student mula Grade 1.
Nagpapasalamat naman ang pamilya sa mga positibong reaksyon ng mga netizen lalo na sa mga Aklanon sa talentong ipinamalas ni KC.##
- Kasimanwang Darwin Tapayan, Energy FM Kalibo
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment