Batay ito sa pahayag ni PSSgt. Erick De Lemos, imbestigador sa theft and roberry section ng Kalibo PNP, sa panayam ng Energy FM Kalibo.
Nabatid na nasa 10-anyos hanggang 14-anyos ang mga nasabing bata. Paliwanag ni De Lemos, pag 14 pababa ang mga menor de edad na sangkot sa krimen ay hindi ito pwedeng makasuhan.
Sinabi ng imbestigador na matapos maimbestigahan ng kapulisan ay itu-turn-over na nila ang mga bata sa Municipal Social Welfare and Development Office ng Kalibo para sa kaukulang disposisyon.
Nabatid sa imbestigasyon ng kapulisan na dalawang menor de edad ang pwersahang pumasok sa cashier's booth ng nasabing gasolinahan at sinasabing nakapagnakaw ng nasa Php92,000.
Ang apat na iba pang menor de edad ay nagsilbing look out. Matapos ang pagnanakaw ay pinaghatian nila ang ninakaw na pera.
Sa follow-up investigation ng kapulisan nadakip ang anim na menor de edad at nasabat ang nasa Php51,000.
Ayon kay De Lemos, ilan sa mga menor de edad ay ilang beses na nilang inimbitahan sa police station dahil sa pagkakasangkot rin sa mga kaso ng nakawan sa bayang ito.
Samantala inaresto rin ng kapulisan ang isang alyas Ricky, sa legal na edad, na tiyuhin ng isang menor de edad na itinuturo ng huli na tumanggap ng Php20,000 mula sa kanya.
Itinanggi naman ni alyas Ricky ang alegasyon ng menor de edad.
Sa ibang dako, sa imbestigasyon ng kapulisan, hindi ang mga nagnakaw na menor de edad ang bumasag sa cashier's booth ng AKY gasoline station kundi ibang grupo.##
- Kasimanwang Darwin Tapayan, Energy Fm 107.7 Kalibo
No comments:
Post a Comment