Mas pang mai-enjoy ngayon ng mga indibidwal, mag-anak, at magkakaibigan ang pagbisita sa Tigayon Hill sa Brgy. Tigayon, Kalibo, Aklan dahil sa bagong viewing deck at binocular nito.
Ang viewing deck sa tuktok at ang tourist information center ay binuksan sa publiko noong Marso 14.
Ang binocular ay coin operated para makita nang malapitan ang mga tanawin. Maglalagay ka lamang ng bagong limang piso para magamit ang binocular sa loob ng tatlong minuto.
Bukas ang Tigayon Hill alas-6:00 ng umaga hanggang alas-8:00 ng gabi.
Ang entrance fee para sa mga residente ng Kalibo, mga estudyante, senior citizens, person with disabilities ay Php30.00 habang Php50.00 naman para sa mga turista at ibang Aklanon.
Libre naman ang mga bata siyete anyos pababa at mga residente ng Brgy. Tigayon. Base ito sa Municipal Ordinance No. 2016-002.
Magandang lugar ang Tigayon Hill sa gustong magnilay-nilay lalo na sa panahon ng Kuwarisma o Semana Santa. Mayroon itong Stations of the Cross at may chapel sa tuktok kung saan pwede kang magdasal.
Mayroon din itong mini-museum kung saan makikita ang mga labi ng tao, hayop at mga sinaunang kagamitan na nahukay o natagpuan sa lugar.
May ilang kuweba rin ang Tigayon Hill.
Paalala naman ng Municpal Tourism Office sa mga bibisita na ipinagbabawal ang vandalism sa lugar, pagdadala ng mga nakalalasing na inumin, at kalaswaan.##
- Kasimanwang Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo
No comments:
Post a Comment