Tuesday, April 09, 2019

ALAMIN: Araw ng Kagitingan


Ang Araw ng Kagitingan o kilala rin bilang Araw ng Bataan o Araw ng Bataan at Corregidor, ay isang pagtalima sa Pilipinas kung saan ginugunita ang pagbagsak ng Bataan noong ika-9 ng Abril 1942 sa kasagsagan ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig.

Nang bukang-liwayway ng ika-9 ng Abril taong 1942, taliwas sa utos nina Heneral Douglas MacArthur at Jonathan Wainwright, ay isinuko ni Komandante Heneral Edward P. King, Jr., pinuno ng puwersa ng Luzon sa Bataan, ang mahigit 76,000 nagugutom at nagkakasakit na mga sundalo (67,000 Pilipino, 1,000 Pilipinong Intsik, at 11,796 Amerikano), sa tropang Hapones.

Sinamsam ang mga pag-aari ng karamihan sa mga bilanggo ng digmaan bago sapilitang pinagmartsa sa 140 kilometro (90 milya) na tinawag na Martsa ng Kamatayan sa Bataan patungo sa Kampo ng O'Donnell sa Capas, Tarlac. Libo-libo ang namatay sa martsa dahil sa pagkauhaw, matinding init, mga tinamong sugat at pagpatay ng mga Hapon sa mga mahihina na habang naglalakad at pilit na isiniksik sa isang tren patungo sa kulungan.

Ang ibang pinalad na maisakay sa mga trak patungo sa San Fernando, Pampanga ay kinailangan ding maglakad ng karagdagang 25 na milya. Walang awang pinapalo ang mga bilanggo at kadalasan ay hindi binibigyan ng inumin at pagkain. Ang mga naiiwan ay pinapatay o iniiwan na lamang hanggang mamatay.

Ang 54,000 ng 76,000 lamang ng mga bilanggo ang nakaabot sa kanilang patutunguhan; mahirap tukuyin ang tiyak na bilang ng mga namatay sapagkat maraming mga nahuli ang nakatakas mula sa mga bantay na mga Hapon. Tinatayang may 5,000–10,000 Pilipino at 600–650 Amerikanong bilanggo ng digmaan ang namatay bago pa nila marating ang Kampo ng O'Donnell. / Wikipedia

No comments:

Post a Comment