Wednesday, November 14, 2018

TULAY PLANONG ITAYO PATAWID NG BRGY. DALAGSAAN SA BAYAN NG LIBACAO

TINITINGNAN NGAYON ng iba-ibang ahensiya ng gobyerno sa Aklan ang pagtatayo ng tulay at kalsada sa isa sa pinakamalayong lugar sa probinsiya - ang Brgy. Dalagsaan, Libacao.

Ito ang napag-usapan sa pagdinig ng joint committee sa Sangguniang Panlalawigan hapon ng Martes sa pangunguna ni SP member Soviet Dela Cruz, committee chair on education.

Mababatid na nagviral sa social media ang karanasan ng mga guro sa Dalagsaan Integrated School na tumatawid pa ng 14 beses sa Aklan river para lang makapagturo dito. Ipinalabas rin ito kamakailan sa national television.

Umani ito ng iba-ibang reaksiyon. Bagaman marami ang hanga sa dedikasyon ng mga guro marami rin ang nag-aalala sa kaligtasan nila at maging sa mga residente sa lugar lalu na kung malalim at malakas ang agos ng ilog.

Kaugnay rito, isinusulong ngayon ng committee on education sa Sangguniang Panlalawigan ang pagbuo ng isang task force na magpaplano sa pagtayo ng ligtas na daanan para sa mga guro at residente.

Kabilang sa magiging bahagi ng task force ang gobyerno probinsiyal, lokal na pamahalaan ng Libacao, Department of Agriculture, DENR, DPWH, NCIP, at DepEd.

Pag-aaralan ng task force kung anong uri ng tulay ang itatayo sa lugar at kung saan kukunin ang pondo para rito. Makikipag-ugnayan din sila sa mga residente roon tungkol sa nasabing plano.##

- Kasimanwang Darwin Tapayan / Energy Fm 107.7 Kalibo

No comments:

Post a Comment