Para masawata ang mga kaso na kinasasangkutan ng mga motorcycle-riding suspects sa Aklan ipapatupad ngayon ng kapulisan ang “Oplan Clean Rider.”
Ayon kay SPO1 Nida Gregas, tagapagsalita ng Aklan Police Provincial Office, sa Hulyo 27 sabay-sabay nilang ilulunsad ang programa sa 17 munisipyo kasama ang mga alkalde at iba-ibang grupo ng mga rider.
Nabatid na mula Enero hanggang Hunyo 2017, anim na kaso ng pamamaril ang naitala na kinsasangkutan ng mga motorcycle-riding suspects sa Aklan. Dalawa sa kasong ito ang naisampa sa korte sa krimen na murder samantalang apat ang patuloy na iniimbestigahan.
Kaugnay rito, sinabi ni Gregas na istrikto nilang ipapatupad ang “Oplan Clean Rider” sa probinsiya sa pamamagitan ng pamamahagi ng sticker patunay na naberipeka ito ng kapulisan.
Nanawagan siya sa lahat ng mga lehitimong may-ari ng motorsiklo na magtungo lamang sa pinakamalapit na himpilan ng Pulisya at magdala ng mga kaukulang dokumento.
Kailangan lamang magdala ng original receipt o certificate of registration ng motorsiklo, driver’s licence, dalawang government ID, at fully filled-up clean riders application form. Kung hindi nakapangalan sa inyo ang motorsiklo ay magdala lamang ng Deed of Sale.
Kapag nasuri na ng mga kapulisan na malinis at maayos ang mga dokumento, ang rider ay maituturing na “clean rider” at maaari nang kabitan ng “clean rider” sticker ang kanyang motorsiklo. Magbibigay ito ng kaluwagan sa mga rider sa mga checkpoints./ Darwin Tapayan, EFM Kalibo
No comments:
Post a Comment