Wednesday, July 25, 2018

BAHAGI NG NATIONAL HIGHWAY SA NABAS, AKLAN PANSAMANTALANG IPASASARA NG DPWH

Ipasasara ng Department of Public Works and Highway (DPWH) ang bahagi ng national highway na ito sa Brgy. Tulingon, Nabas dahil sa pagguho ng lupa.

Ito ang sinabi ni DPWH-Aklan District Engr. Noel Fuentebella sa panayam ng Energy FM Kalibo umaga ng Miyerkules. Dahil umano ito sa pagguho ng kalahating bahagi ng kalsada.

Sinabi ni Engr. Fuentebella na magsisimula ang konstruksyon sa ikatlong linggo ng Agosto. Nasa 80 metro anya ang lalim ng aayusing kalsada.

Kaugnay rito ang mga motorista na patungo sa bayan ng Malay ay dadaan muna sa Pandan sa Antique, palabas ng Buruanga, Aklan habang ang manggagaling Kalibo papuntang Nabas proper ay pwede pang makadaan.

Siyam na milyon ang inilaang badyet ng Kagawaran para sa rehabilitasyon ng naturang kalsada. Humingi naman ng pag-unawa sa mga motorista ang district engineer.

Aniya bagaman magdudulot ito ng inconvenience sa mga motorista, pansamantala lamang anya ito para maayos ang kalsada para sa kaligtasan ng lahat. | Darwin Tapayan, EFM Kalibo

No comments:

Post a Comment