Saturday, June 16, 2018

PAGREGULATE SA PAG-AALAGA AT PAGPAPALAHI NG MGA BARAKONG BABOY ISINUSULONG SA SANGGUNIANG PANLALAWIGAN

Sumailalim na sa pampublikong pagdinig ang isinusulong na panukalang ordenansa na magre-regulate sa pag-aalaga at pagpapalahi ng mga barakong baboy sa probinsiya ng Aklan.

Ayon kay Sangguniang Panlalawigan member Soviet Dela Cruz, may akda, layunin ng ordenansa na mapaganda ang produksiyon ng karne sa probinsiya at para sa pagbuo ng tracking mechanism.

Base sa report ng Office of the Provincial Veterinarian malaking bahagi ng mga barakong baboy sa Aklan ay inaalagaan sa bakuran samantalang limang porsyento lamang ang nasa commercial.

Karamihan din umano sa nag-aalaga o operator ay nagpapalahi sa parehong barakong baboy sa kanya ring pamilya. Nagdudulot umano ito ng depekto o sakit sa mga isinisilang na baboy.

Para maiwasan ito, isinusulong ngayon na ang mga operator ng barakong baboy ay kumuha ng Mayor's Permit.

Bago ito sasailalim muna sa inspeksyon ng agriculturist at ng beterenaryo ang baboy, at kung akma ang kulungan nito at ang behikulong ginagamit sa paglilipat sa hayop.

Kapag nakapasa ay bibigyan ng Barangay Permit, Certification mula sa Municipal Agricultural Office, at ng Veterinary Health Certificate.

Nababahala naman ang ilan na dahil sa paghihigpit na ito ay mawala na ang mga nag-aalaga at nagpapalahi ng mga barakong baboy dahil sa dagdag gastusin.

Maliban rito, isinusulong rin sa ordenansa ang pagkakaroon ng Artificial Issemination Center sa probinsiya.
Sasailalim pa sa karagdagang pag-aaral ng kaukulang komitiba at ng Sanggunian ang nasabing panukala bago ito tuluyang aprubahan. | Darwin Tapayan, EFM Kalibo

No comments:

Post a Comment