Thursday, June 14, 2018

MGA BUMIBIYAHE SA DAGAT PINAG-IINGAT NG COASTGUARD-AKLAN DAHIL SA HABAGAT

Pinag-iingat ngayon ng Philippine Coastguard-Aklan ang mga maliliit na sakayang pandagat na maglayag dahil sa nararanasang sama ng panahon.

Ayon kay PCG-Aklan commander Ramil Palabrica, delikado ang pumalaot para sa mga maliit na bangka dahil sa umiiral na habagat sa ating bansa.

Dahil rito sinisiguro umano ng mga coastguard na nakabantay sa mga port na ang mga sakayang pandagat ay sumusunod sa pamantayang pangkaligtasan.

Bago maglayag ang isang bangka sinisiguro umano nila ito na hindi overloaded, nasa kondisyon, at ang mga nakasakay ay nakasuot ng life jacket.

Samantala, kinumpirma naman ni Palabrica na Martes ng umaga isang babae ang nahulog sa karagatan mula sa sinasakyang bangka mula sa Isla ng Boracay patawid sana ng San Jose, Romblon dahil sa lakas ng alon.

Patay na nang matagpuan ang biktima sa baybaying sakop ng Carabao Island sa Romblon. Maswerte namang nakaligtas ang dalawa niyang kasama sa bangka.

Nabatid na nakalusot ang bangkang ito sa ipinagbabawal na lugar sa Boracay. Dumaan umano ito sa So. Malabunot sa Balabag na klarong paglabag sa "One Entry, One Exit" policy.

Sa kabila nito, ilang bangka na anya ang kanilang nahuling lumabag sa nasabing provincial ordinance bilang paghihigpit kaugnay ng ginagawang rehabilitasyon sa Boracay. | Darwin Tapayan, EFM Kalibo

No comments:

Post a Comment