Wednesday, October 12, 2016

Mga requirements para sa pagtatayo ng sabungan sa Kalibo, binusisi sa committee hearing

NI DARWIN TAPAYAN, ENERGY FM 107.7 KALIBO

Binusisi sa isinagawang committee hearing kahapon ang aplikasyon ng isang G. Garcia para sa pagkuha ng lisensiya o prangkisa upang makapagtayo at makapag-operate ng sabungan sa Brgy. Tigayon, Kalibo.

Pinag-usapan ng komitiba kung nasaan na si Garcia sa kanyang aplikasyon. Ayon kay committee chair SB Mark Ace Bautista na nakapagsumite na ito ng proof of ownership of the land, company profile and proof of financial capacity and development plan. Mayroon na rin umano itong rekomendasyon mula sa konseho ng naturang barangay para sa layuning ito.

Kulang na lang umano ng business registration mula sa kahit alin sa Department of Trade and Industry (DTI) o sa SEC at zoning clearance and building o occupancy permit. Ang mga requirements na ito ay alinsunod sa nakasaad sa Municipal Ordinance No. 2014-14.

Pangamba ng mga miyembro ng komitiba ay kung maitatayo kaagad ang istraktura kapag nabigyan na siya ng permit para dito. Ayaw kasi nilang maantala ang maaring maibigay na kabuhayan mula rito sa mga taumbayan at maging sa pamahalaang lokal.

Napagkasunduan sa komitiba na magtatakda sila ng panahon para maumpisahan at matapos kaagad ang istraktura ng sabungan ng mas maaga. Anila, ii-endorso pa nila sa plenaryo kung sang-ayon sila sa anim na buwang palugit para dito.

Samantala, hindi inaalis ng sanggunian ang mga gusto pang mag-apply ng prangkisa sa pagtatayo ng sabungan sa bayan ng Kalibo. Nakasaad sa ordinansa ng munisipyo na isang sabungan lang pwedeng itayo dito. Sa ngayon, maliban kay Garcia ay may isa pang potensiyal na nag-a-apply na makapagtayo ng sabungan sa Brgy. Tinigao.

No comments:

Post a Comment