Tuesday, October 11, 2016

Mayor ng Altavas, Aklan tinakasan ang paglabag sa batas trapiko

NI DARWIN TAPAYAN, ENERGY FM 107.7 KALIBO

Tinakasan at hinabol pa umano ng mga Kalibo Auxiliary Police (KAP) ang sasakyan ni Mayor Denny Refol ng Altavas matapos siyang lumabag sa batas trapiko.

Sa report nina Quichie Repiedad at Elim Jaurique, parehong auxiliary police, nasa duty umano sila dakong ala-1:00 ng hapon kahapon nang kanilang namataan ang isang Ford Everest na sasakyan na lumabag sa batas trapiko na kalaunan ay napag-alamang minamaneho pala ng nasabing alkalde.

Reklamo ng mga ito, sinuway umano ni Refol ang batas trapiko na kahit na nakapula ang traffic light ay huminto ito sa gitna ng yellow box sa crossing Banga-New Washington.

Nilapitan umano ito ni Repiedad upang hingan ng driver's license subalit ID lamang ang ipinakita nito.

Bumaba pa umano ang isa sa kanyang mga alalay na nakilala lamang na isang “Gregorio” at pinagsalitaan sila ng mga hindi maganda.

Tumabi pa umano ang sasakyan sa kanto at puwersahang binawi ni “Gregorio” ang ID ng mayor. Pagkatapos ay kumaripas ng takbo ang sasakyan patungong New Washington at biglang liko sa Calachuchi road, lumiko pa sa San Lorenzo drive, at lumiko muli sa Toting Reyes hanggang huminto sila sa plengke ng Kalibo.

Sinundan pa ito ng mga Kalibo Auxillary Police members at muli umanong nagbitaw ng hindi magagandang mga pananalita si “Gregorio”. Dito ay may pumagitna na umanong isang pulis at sinabihan na mayor ng Altavas ang kanilang naka-engkwentro.

Ayon kay investigator PO3 Emil Milleondaga, ini-refer na ang naturang kaso sa munisipyo ng Kalibo para sa kaukulang disposisyon.

1 comment:

  1. Mahirap ang ginawa ni Mayor sa pagtakas na ito kasi I am sure na may karampatang parusa ang ginawa niya, kung nalaman lang niya na mayroong mga paraan, tiyak ginawa na niya ito: I Was Not Aware! Paano kapag Lumabag ka ng Batas na Hindi mo Alam?.

    ReplyDelete