Saturday, June 08, 2019

PNP Regional Director BGen. Bulalacao magreretiro na ngayong Hunyo


KALIBO, AKLAN - Magreretiro na si BGen. John Bulalacao sa Hunyo 27 kasunod ng mahigit isang taon niyang paglilingkod bilang Regional Director ng Philippine National Police (PNP) sa Western Visayas.

Ilang araw bago ang takdang pagreretiro ay bumbibisita siya sa mga lalawigang nasasakupan niya para magpaalam at magpasalamat sa mga kapulisan.

Ngayong araw ng Sabado ay bumisita dito si Bulalacao kung saan nagbahagi siya ng kanyang mensahe sa kapulisan sa Camp Pastor Martelino sa Brgy. New Buswang.



Sinabi niya na naging matagumpay siya sa kanyang karera bilang pulis at nanawagan siya sa kapulisan na gampanang maagi ang kanilang tungkulin, at magkaroon ng reputasyon sa paglilingkod, at magtiwala sa Panginoon.

Pinuri rin niya ang kapulisan sa Aklan sa matagumpay na kampanya kontra iligal na droga at sa mapayapa at maayos na eleksyon nito lang Mayo.

Nabatid na umupo si Bulalacao bilang top commander ng Police Regional Office 6 Hunyo 1 noong nakaraang taon kasunod ng kanyang pagkatalaga bilang tagapagsalita ng PNP.

Sa isang media interview dito sinabi ni Bulalacao na wala pang nakikinita sa ngayon kung sino ang papalit sa kanya. Nilinaw rin niya na hindi pa pwede ang kanyang deputy na si BGen. Jesus Cambay Jr. sa pwesto dahil bagong promote palang ito.

Nagpaabot rin siya ng kanyang pasasalamat sa mga Aklanon sa pagsuporta sa mga programa at proyekto ng kapulisan kabilang na ang rehabilitasyon ng Isla ng Boracay.

Si Bulalacao ay taga-Bicol at naglingkod ng mahigit 35 taon bilang uniformed personnel.##

- Kasimanwang Darwin Tapayan, Energy FM Kalibo

No comments:

Post a Comment