Friday, June 07, 2019

Pinakabata, No. 1 Barangay Kagawad sa Nabas nagbitiw sa pwesto

Graphics by Energy FM Kalibo
KALIBO, AKLAN - Naghain ng resignation letter ang numero unong kagawad ng Brgy. Buenavista, Nabas sa tanggapan ng alkalde nitong Hunyo 6, Huwebes.

Ayon kay Kagawad Uriel Bolivar, napag-isip umano niyang kailangan muna niyang magbitiw sa pwesto para ipagpatuloy ang kaniyang edukasyon.

Sa susunod na linggo ay papasok na sa San Agustin University sa Iloilo ang 19-anyos na konsehal para mag-aral sa kursong Bachelor of Science in Business Administration major in Financial Management.

Iginiit naman ni Bolivar na magpapatuloy siya sa paglilingkod sa kanyang mga kabarangay at kababayan. Mahalaga rin aniya ang edukasyon para mapabuti pa niya ang kaniyang paglilingkod.

"God willing and by the grace of the Holy Spirit through your prayers, I will be enlighten more and be knowledgable on things that are crucial for success through my education in the university."

Nabatid na unang termino ito ni Bolivar matapos mahalal noong Mayo 2018 sa edad na 18 anyos at tatlong buwan, isa sa pinakabatang mga konsehal ng barangay sa bansa.



Sa maiksing panahon bilang kagawad, nagdala siya ng ilang proyekto at programa sa barangay kabilang na ang umano'y kauna-unahang Youth Day Celebration, pagpapaayos ng dalawang Day Care Center, at pagpasa ng Revenue Code.

Inaasahan na bago magtapos ang buwan mag-i-epekto ang kanyang resignation. Si Nabas Mayor James Solanoy naman ang mag-a-apoint ng hahalili sa kanyang pwesto.

Si Uriel ay anak ng pangalawang konsehal ng bayan na si Stephen Bolivar.##

- Kasimanwang Darwin Tapayan, Energy FM Kalibo

No comments:

Post a Comment