Saturday, June 15, 2019

DPWH, TIEZA inaming mabagal ang road, drainage works sa Boracay

file photo: Boracay Rehabilitation Continues FB

KALIBO, AKLAN - Inamin ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at ng Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority (TIEZA) na mabagal ang kanilang trabaho sa rehabilitasyon ng mga kalsada at drainage sa Isla ng Boracay.

Ito ang kanilang ipinahagay sa pagdinig ng joint committee sa Sangguniang Panlalawigan araw ng Martes sa isinagawang legislative inquiry kaugnay ng obserbasyon ni Board Member Esel Flores na tila wala nang nagtratrabaho sa kalsada ng Boracay.

Ayon kay Engr. Noel Fuentebella, District Engineer ng DPWH-Aklan, bumabagal umano ang kanilang trabaho dahil sa mga nakaharang na mga pipeline, electrical line, cables, sewer line at maging ang mabigat na daloy ng trapiko at mga puno.

Sinabi pa ni Fuientebella na mas mabilis umano ang kanilang trabaho noon ng nakasara ang Isla. Hindi rin umano sila makapagtrabaho ng gabi dahil maingay umano ang kanilang mga kagamitan na nakakadisturbo sa mga bisita.

Ganito rin ang pahayag ni Engineer David Capispisan, assistant project manager ng TIEZA.

Sinabi pa nila na delay rin umano ang pondo para mapabilis ang trabaho sa Boracay. Sa ngayon ay nasa phase II palang ang proyekto at posibleng magtagal pa ng 2021 bago matapos ang buong ang trabaho.

Kaugnay rito, inaasahang magpasa ng resolusyon ang Sanggunian upang hikayatin ang Department of Budget and Management na bilisan ang pagrelease ng pondo para sa mga proyekto sa Isla.

"Laid on the table" muna ang nasabing usapin sa komitiba dahil kailangan pang hintayin ng mga opisyal ang progress report ng iba-ibang ahensiya ng gobyerno na naatasan sa rehabilitasyon ng kalsada at drainage sa Boracay kada dalawang buwan.##

- Kasimanwang Darwin Tapayan, Energy FM Kalibo


No comments:

Post a Comment