Friday, November 09, 2018

MGA TRICYCLE AT PEDICAB IPAGBABAWAL SA MGA NATIONAL HIGHWAY SA AKLAN

IPAGBABAWAL NA na dumaan sa mga national highway sa Aklan ang mga tricycle at mga pedicab alinsunod sa memorandum na ibinaba ng Department of Interior and Local Government.

Inatasan na ni PSSupt Lope Manlapaz, provincial director ng kapulisan sa probinsiya, ang kapulisan sa mga bayan na magsagawa ng pagpupulong sa mga driver at operator.

Kasunod ito ng hiling ng Nagkakaisang Samahan ng mga Nangangasiwa ng Panlalawigang Bus sa Pilipinas Inc. sa DILG na ipatupad ng PNP ang nasabing memorandum.

Sa bayan ng Kalibo, kasama ang pamahalaang lokal nagsagawa ang kapulisan ng pagpulong sa mga opisyal ng mga asosasyon ng mga tricycle at pedicab araw ng Miyerkules.

Ayon kay PSupt Richard Mepania, hepe ng Kalibo PNP, sang-ayon umano ang mga drivers at operators sa planong ito. Pag-aaralan pa umano nila ang magiging alternatibong rota ng mga tricycle at pedicab.

Gayunman kapag walang ibang pwedeng daan para sa kanila, maaari parin naman umano nilang gamitin ang national highway basta nasa tabi lang umano sila palagi.

Ipagbabawal rin ang mga tricycle at pedicab na magsakay ng mahigit na pasahero o mga karga kesa sa nakasaad sa kanilang prangkisa. Posiblen aniyang patawan ng kaukulang penalidad ang lalabag rito.

Napag-alaman na ang panawagang ito na i-ban ang mga tricycle ay noon pang 2007 sa ilalim ng Memorandum Circular 2007-01. Layunin nito na maiwasan ang mga aksidenteng kinasasangkutan ng mga sasakyang ito.##

No comments:

Post a Comment