KASUNOD NG pagtanggap ng mga lupa sa Isla ng Boracay nanawagan ngayon ng kapayaan ang mga katutubong Ati sa pangambang magdulot ito ng problema sa kanila.
Gabi ng Huwebes ay pormal na tinanggap ng mga kinatawan ng Boracay Ati Tribal Organization ang anim na Certificate of Land Ownership Award (CLOA) mula kay Pangulong Rodrigo Duterte para sa kabuuang 3.2 hektarya ng lupa.
"Nawa itong pamamahagi ng lupa ay walang maidulot na problema sa amin sapagkat ang tangi po naming hinihiling ay kapayapaan, pagkakaisa at pagmamahal," ayon kay Delsa Justo, lider ng mga Ati, bahagi ng kanyang response.
Sa isang press conference, sinabi ni Department of Agrarian Reform Secretary John Castriciones na nagkaroon muna ng tensiyon sa ilang lupang ipinamahagi sa mga Ati at may mga nagpapakilalang nagmamay-ari ng mga ito.
Nilinaw naman ng Kalihim na bagaman ang ilan ay may tax declaration ng lupa, hindi umano ito patunay na sila ang may-ari nito. Nanindigan siya na alinsunod sa batas ang buong Isla ng Boracay ay pagmamay-ari ng gobyerno.
Sinabi pa ng DAR Secretary na handa silang sagutin ang mga legal action laban sa kanila.
Samantala, mamahagi rin ng mga binhi at mga tools ang gobyerno sa mga benepisaryo para sa pagpapayabong at paggamit ng lupa para sakahan. May mga training din na ilalaan para sa 44 pamilya na makikinabang sa mga naipamahaging lupa.
"Lubos po ang aming kasiyahan dahil dininig ng Diyos ang aming panalangin na maibalik at maisaayos ang Islang aming pinakamamahal," sabi ni Justo, sa pagpapasalamat sa administrasyong Duterte sa pag-rehabilitate sa Boracay.##
- Kasimanwang Darwin Tapayan / Energy Fm 107.7 Kalibo
No comments:
Post a Comment