Friday, September 30, 2016

Aklan PHO: 2 patay sa rabies sa Aklan

NI DARWIN TAPAYAN, ENERGY FM KALIBO 107.7

Nagsasagawa na ng imbestigasyon ang Office of the Provincial Veterinarian (OPVET) sa pagkamatay umano ng dalawang katao dahil sa rabbies nitong Agosto ng kasalukuyang taon. Ang mga kasong ito ay nangyari umano sa mga bayan ng Malay at Altavas ayon sa Aklan Provincial Health Office (PHO).

Ayon kay Ronald Lorenzo, Rabies Control Coordinator ng OPVET, ang isa umano dito ay nakagat ng aso isang taon na ang nakakaraan bago namatay. Ang isa naman ay namatay isang linggo matapos itong makagat ng aso.

Ani Lorenzo, ipapaabot pa nila ang naturang report sa regional office para sa karagdagang imbestigasyon.

Napag-alaman rin mula kay Lorenzo na sa halos 50,000 mga aso sa buong lalawigan, 11% pa lamang rito ang nabakunahan simula Enero nitong taon.

Samantala, kahapon ay nagsagawa ng malawakang libreng pagpaparehistro, pagbabakuna, pagpapakapon, at iba pang serbisyo para sa mga alagang aso at pusa ang OPVET. Ito ay kaugnay ng ika-10 taon ng pagdiriwang ng World Rabies Day. Ang bawat munisipyo ay nagsagawa rin ng kanilang mga aktibidad kaugnay rito.

Hinikayat naman ng OPVET na dalhin ang mga alagang hayop sa kanilang tanggapan para sa mga kaukulang serbisyo.

No comments:

Post a Comment