Showing posts with label Bomb Joke. Show all posts
Showing posts with label Bomb Joke. Show all posts

Monday, July 10, 2017

BINATILYO ARESTADO SA PAGBIBIRO NA MAY BOMBA SA ISANG RESORT SA BORACAY

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Arestado ang isang 19 anyos na lalaki sa isla ng Boracay makaraang magbiro na may bomba sa loob ng isang resort.

Ayon sa report ng Boracay Tourist Assistance Center (Btac), ang suspek ay kinilalang si Suje Negrida, tubo ng brgy Agdugayan, Ibajay.

Pumasok umano nang walang pahintulot  ang suspek sa naturang resort sa brgy. Balabag na napag-alamang nasa ilalim ng kalasingan.

Nang sitahin siya ng guwardiya ay nagbiro umano ito na may itinanim siyang bomba sa loob ng resort bagay na ikinaalarma ng mga nasa loob.

Agad namang humingi ng tulong ang guwardiya ng nasabing resort sa mga kapulisan at pagresponde a y inaresto ang nasabing suspek.

Nakakulong na ngayon ang suspek sa Btac at posibleng sampahan ng kasong paglabag sa Presidential Decree No. 1727 o Anti-Bomb Joke Law.

Ipinagbabawal sa batas na ito ang pagpapakalat ng maling impormasyon tungkol sa presensya ng bomba, pampasabog at mga kahalintulad nito.

Thursday, June 29, 2017

BORACAY PNP NANAWAGAN SA TAUMBAYAN KAUGNAY NG PAGPAPAKALAT NG MALING BOMB THREAT

Nagbabala ang mga kapulisan sa taumbayan sa isla ng Boracay na itigil ang pagpapakalat ng maling bomb threat.

Ang panawagang ito ng Boracay Tourists Assistance Center (BTAC) ay kasunod ng maling bomb threat sa Manocmanoc Elementary School.

Sa isang panayam sinabi ni PSInsp. Mark Gesulga, hepe ng Boracay PNP, ang pagpapakalat ng maling bomb threat ay isang criminal offense.

Paliwanag niya, nagdadala ito ng takot sa taumbayan lalu na sa panahon ngayon na laganap ang banta ng terorismo.

Binigyang diin pa ng hepe na ang pagpapakalat ng maling bomb threat, bomb scare o bomb jokes ay posibleng makaapekto sa turismo sa Boracay.

Nanawagan naman siya sa publiko na manatiling mapagmatyag at ireport agad sa mga awtoridad ang anomang kahina-hinalang bagay sa kanilang lugar.

Ipinagbabawal sa Presidential Decree No. 1727 o Anti-Bomb Joke Law, ang pagpapakalat ng maling impormasyon tungkol sa presensya ng bomba, pampasabog at mga kahalintulad nito.

Samantala, patuloy pang iniimbestigahan ng mga kapulisan ang pinagmulan ng kumulat na maling bomb threat sa Boracay kamakailan. (PNA)

Wednesday, June 28, 2017

MGA ESTUDYANTE AT MAGULANG SA BORACAY NAGPANIC DAHIL SA UMANO’Y BOMB THREAT

ulat ni Darwin Tapayan, Energy FM 107.7 Kalibo

Nagpanic ang mga estudyante at magulang sa Manocmanoc Elementary School sa brgy. Manocmanoc sa Isla ng Boracay kahapon ng umaga dahil sa umano’y bomb threat sa lugar.

Dakong alas-9:00 ng umaga nang makatanggap ng report ang Boracay Tourist Assistance Center (BTAC) na nagkaroon ng panic sa nasabing lugar.

Agad namang nagresponde ang mga kapulisan at nagsagawa ng imbestigasyon kasama ang bomb squad pero napag-alaman na hindi totoo ang nasabing impormasyon.

Isang misis ang inimbitahan sa tanggapan ng pulisya matapos iturong siya ang pinagmulan ng sabi-sabing bomb threat.

Mariin naman itong pinabulaanan ng misis. Nagtanong lamang umano siya sa kanyang mister kung mayroon bang bomb threat sa lugar hanggang sa maipasa ito sa iba pa.

Hindi pa ngayon malaman kung sino talaga ang pinagmulan ng nasabing maling impormasyon.

Nanawagan naman ang mga kapulisan sa taumbayan na iwasan ang pagpapasa ng mga maling impormasyon at makipagtulungan sa kanila kapag may mga kahinahinalang bagay ang mamataan sa kanilang lugar.

Friday, June 23, 2017

BOMB JOKE, ISANG SERYOSONG BAGAY AYON SA PNP

Nanawagan ang opisyal ng kapulisan sa probinsiya na seryosohin ang batas sa bomb joke.

Ito ay kasunod ng insidente sa Kalibo International Airport nitong Miyerkules nang Italian National ang inaresto ng mga awtoridad dahil sa pagbibiro na may bomba ang kanyang bag.

Ayon kay PSSupt. Lope Manlapaz, provincial director ng Aklan Police Provincial Office, striktong ipapatupad ng mga kapulisan ang “bomb joke law” para sa kapakanan ng taumbayan.

Kaugnay rito, hinikayat ni Manlapaz ang lahat na iwasan ang ganitong uri ng biro dahil ipinagbabawal ito ng batas.

Humingi naman ng suporta ang opisyal sa publiko na ireport agad sa mga kapulisan ang mga napabayaang bag para sa checking at verification.

Nanawagan rin siya sa publiko na huwag magpakalat ng mga mensahe na may banta sa probinsiya sa halip ay ireport sa mga kapulisan para maimbestigahan.

Pinaigting naman ng mga kapulisan ang pagbabantay sa mga matataong lugar at pagsasagawa ng checkpoint sa tri-border area.

Thursday, June 22, 2017

ITALIAN NATIONAL ARESTADO MATAPOS MAG-BOMB JOKE SA KALIBO INTERNATIONAL AIRPORT

Inaresto ng mga kapulisan ang isang 40-anyos na Italian National sa Kalibo Internatioal Airport makaraang magbiro umano na may dala siyang bomba sa kanyang bag.

Sa report ng aviation police, nagkaroon umano ng diskusyon ang suspek na si Christiano de Angelis sa mga staff ng isang airline company sa loob ng airport.

Hinanapana umano ang turista ng kanyang medical certificate patugong South Korea bagay na kinainis niya.

Nagbiro umano ito na may dalang bomba nang usisain ng airline staff ang kanyang bagahe.

Ang biro tungkol sa bomba ay ipinagbabawal sa bansa alinsunod sa Presidential Decree (P.D.) No. 1727, o Anti-Bomb Joke Law. 

Nakasaad sa batas na ito ang pagbabawal sa malisyusong pagpapakalat ng maling impormasyon tungkol sa bomba, pampasabog, at iba pang katulad ng mga ito. 

Nakakulong na ngayon ang nasabing lalaki at nahaharap sa kaukulang kaso.