Wednesday, February 28, 2018

BAHAY SA NEW WASHINGTON NASUNOG

Nasunog ang bahagi ng bahay na ito sa boundary ng Brgy. Polo-Cawayan, New Washington ngayong gabi.

Ang bahay na ito ay pagmamay-ari ni Geraldine Francisco Oliveros.

Salaysay niya, nakipanood umano sila ng TV sa kapitbahay ilang metro ang layo nang masunog ang kanilang bahay.

Paniwala niya, naiwang baga sa kanilang kalan ang sanhi ng sunog.

Naagapan naman agad ito matapos pagtulungan ng pamilya at ng mga kapitbahay na apulahin ang apoy.
Nasunog ang kanilang kusina na gawa sa mga light materials.

Samantala, simula bukas, Marso 1 ay ipagdiriwang ang National Fire Prevention Month.

ANG BORACAY NOON (1990s)

Ang layo na ng Boracay ngayon sa itsura nito noong 1990's base sa mga nakolekta naming larawan (photos credit to owner/s). 

Kumpara ngayon na ang makikita mo ay mga naglalakihan at nagtataasang mga gusali, ang kapaligiran ng Boracay noon ay hitik sa matatayog at luntiang mga puno. 

Kay sarap isipin na kalabaw pa lang ang sinasakyan noon ng mga tao dito pero ngayon, kaliwa't kanan na ang mga sasakyan sa kalsada. 

Ang Boracay noon ay tahimik, malinis ang tubig at sariwa ang hangin; ngayon, nariyan na halos lahat ng polusyon - polusyon sa ingay, tubig, at hangin. 

Let us help preserving this premier island destinations sa buong mundo.






NASA 2,000 HINDI DOKUMENTADONG DAYUHAN SA AKLAN IIMBESTIGAHAN NG SANGGUNIANG PANLALAWIGAN

Nakatakdang imbestigahan ng Sangguniang Panlalawigan ang mga hindi dokumetadong dayuhan na nasa probinsiya ng Aklan lalu na sa isla ng Boracay.

Sa regular session ng Sanggunian, sinabi ni SP member Nemisio Neron na base sa kanyang impormasyon ay tinatayang 2,000 mga dayuhan ang iligal na naninirahan sa probinsiya.

Naniniwala ang opisyal na nakakabahala ang bilang na ito kapag napatunayan. Ito rin umano ang isa sa mga dahilan ng pagiging over-populated ng Boracay at iba pang suliraning kinakaharap ng isla.

Ayon pa kay Neron, karamihan umano sa mga ito ay mga Chinese at Korean na nagtratrabaho o nagmamay-ari ng mga resort at mga restaurant sa top island destination.

Mahirap din anya na matukoy ang mga dayuhang ito kapag nakagawa sila ng mga paglabag sa isla.  Mahaharap din umano ang mga ito sa paglabag sa immigration act ng bansa.

Naniniwala ang opisyal na napapanahon ang isyung ito dahil narin sa ginagawang paglilinis ng Department of Environment and National Resources sa Boracay kasunod ng atas ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ang usaping ito ay inirefer na sa mga kaukulang komitiba ng Sanggunian para sa isang pagdinig.

BARANGAY I.D., SEDULA POSIBLE NARING GAMITIN PARA MALIBRE SA TERMINAL FEE ANG MGA AKLANON

Posible naring gamitin ang barangay certification I.D. at community tax certificate o sedula para malibre ang mga Aklanon sa pagbayad ng terminal fee sa Isla ng Boracay.

Kasunod ito ng nakatakdang pag-amyenda ng Sangguniang Panlalawigan sa revenue code ng probinsiya base narin sa rekomendasyon ng committee on tourism at committee on oversight.

Noong Pebrero 9 ay nagsagawa ng joint committee hearing ang Sanggunian kaugnay sa kontrobersiya sa paniningil ng terminal at environmental fee sa mga Aklanon na walang valid ID na dumaraan sa Cagban at Caticlan Jetty port.

Suportado naman ni SP member at Liga ng mga Barangay president Rey Tolentino ang planong pag-isyu ng barangay ID sa lahat ng mga kabarangayan sa probinsiya.

Pag-uusapan umano nila ito sa mga susunod nilang pagpupulong kasama ang mga presidente ng Liga ng mga Barangay sa lahat ng munisipalidad.

Sa kabila nito, nabatid na may ilang barangay na sa probinsiya ang naglalathala ng ID para sa kanilang mga residente.

Monday, February 26, 2018

20-ANYOS NA LALAKI NAGBIGTI PATAY SA BATAN, AKLAN

Patay na nang matagpuan sa loob ng kwarto ang 20 anyos na lalaki sa Brgy. Lalab Batan, Aklan.

Nakiusap ang pamilya na wag ng isapubliko ang pangalan ng biktima.

Sa imbestigasyon ng pulisya umuwi raw ang biktima sa bahay ng lola pasado alas 12:00 ng tanghali araw ng Biyernes at nangangamoy alak ito.

Pagkatapos umalis ang lola para bisitahin ang mga anak.

Pagbalik nito nakabigti na ang apo sa loob ng kwarto.

Inaalam pa ng pulisya ang malalim na rason ng pagbigti.

Saturday, February 24, 2018

MAGNOBYO NAKUNAN NG VIDEO HABANG NAGSESEX SA BUNDOK, SUSPEK SA PANGVIVIDEO AT PANGBA-BLACKMAIL ARESTADO

(web Photo)
Arestado ang 25 anyos na suspek sa pangvivideo at pangba-blackmail sa magnobyo na nagsesex sa bundok na bahagi ng Jawili sa Tangalan, Aklan.

Kinilala ang suspek sa pangalang Jayson  na taga-Bugtong-Bato, Ibajay, Aklan.  Sa salaysay ng magnobyo nagsesex umano sila nang mapansin nila ang suspek na kinukunan sila ng video kaya dali- dali nilang hinatak ang mga suot na damit at hinabol ang suspek.

Nag-offer pa raw ang mga ito ng pera kapalit ng pagbura sa nasabing video ngunit tinanggihan raw sila ng suspek.

Hanggang sa sinabi raw nito na buburahin lang nito ang video kung makikipagsex sa kanya ang babae. Hanggang sa ibinigay na nila ang cellphone number sa suspek.

Nagpatuloy ang pakikiusap ng biktima sa pamamagitan ng tawag at text  pero ayaw raw talaga ng suspek hanggat hindi ito pumapayag sa gusto. Kaya napilitang magsumbong sa pulisya ang magnobyo at doon nga ikinasa ang isang entrapment operation.

Tuwang-tuwa ang suspek dahil pumayag na ang babae sa nais nito ngunit lingid sa kaalaman nito na may pulis na palang kasama ang biktima.

Sa isang lodging house sa Tangalan naganap ang entrapment kung saan pagpasok ng otoridad sa kwarto ay nakahubad na ito ng damit ang suspek.

Kinasuhan na kanina ang suspek at nakakulong na sa Aklan Rehabilatation Center .

ILANG GUSALI SA BORACAY NA NAKITAAN NG PAGLABAG SINIMULAN NANG IDEMOLISH

Nagsimula na ang Department of Environment and Natural Resources sa pagtibag ng ilang mga gusali sa isla na nakitaan ng paglabag sa mga environmental laws.

Ngayong araw ay sinimulan ng Boracay West Cove Resort na iself-demolish ang kanilang view deck dahil nakapatong ito sa natural rock formation.

Nabatid na ang extension na ito ng kanilang resort ay lumagpas na sa 998 sq. mt. na sinasaad sa kanilang forest land use agreement for tourism purposes (FLAgT).

Mananatili namang operational ang nabanggit na resort dahil sa pinanghahawakan nilang tenurial agreement sa gobyerno. Sumusunod rin umano sila sa iba pang environmental laws.

Target ngayon ng DENR ang iba pang mga gusali na nakatirik sa mga forestland at timberland.

Sa mga susunod na araw ay titibagin rin nila ang mga gusali na nakatayo sa gilid ng lake town o lagoon sa Brgy. Balabag.

Ang mga aksiyong ito na ginagawa ng DENR ay kasunod ng atas ni Pangulong Rodrigo Duterte na linisin ang isla sa loob ng anim na buwan.

Friday, February 23, 2018

OPINYONG: KKK NAGHIHINGALO NA

Alas-9:00 palang ng gabi ay nagsasara na ang mga stall na ito sa kahabaan ng Veterans Avenue na kabilang sa Kalye Kulinarya it Kalibo o KKK.

Ayon sa mga nakapanayam namin, wala umano kasing dumarayong tao sa mga oras na ito kaya napipilitan silang magsara ng maaga sa halip na hanggang alas-12:00 pa dapat sila ng hating gabi.

Intensyon sana ng KKK na ito na buhayin ang Kalibo tuwing gabi sa pamamagitan ng food strips na ito. Pero sa halip na dumami ang mga tao ay tila unti-unti pang nawawala. Anyari?

Ilang buwan palang ng operasyon ay tila nalugi na ang mga negosyanteng ito maging ang munisipyo na siyang namamahala nito.

Matatandaan na una itong binuksan noong Nobyembre 2017 at naging isang batas alinsunod sa ordinance number 24 series of 2017. Anong say nyo Tourism Office?

CRIS AQUINO HININGAN NG PERA NI DENR SEC. CIMATU?

Isang negosyante at resort owner sa Boracay ang umano'y hinihingan ng pera ng taga-DENR.

Sa kanyang facebook post nagbabala si Crisostomo Aquino sa mga stakeholders sa isla na mag-ingat sa mga manluluko o scammer.

Ayon sa kanya, nakatanggap umano siya ng tawag mula sa nagpakilalang siya si Sec. Roy Cimatu ng DENR at humihingi ng pera para umano sa mga drug dependants sa Nueva Ecija.

Tumawag umano si Aquino sa central office ng kagawaran at nanindigan na wala silang kinalaman rito.

Nakarating na sa kapulisan ng Boracay ang insidente at binabalaan ang mga tao sa kaparehong modus.

Si Aquino ay may-ari ng kontrobersyal na West Cove Resort sa isla.

293 MGA GUSALI SA ISLA NG BORACAY NAKITAAN NG PAGLABAG SA EASEMENT RULES

Target ngayon ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang mga gusali sa Isla ng Boracay na lumabag sa easement rule.

Ayon sa tala ng DENR region 6, umabot sa 293 mga gusali sa isla ang nakita nilang lumabag sa batas na ito.

Pinakamarami rito ang nasa beach area ng Brgy. Manocmanoc na may 160, Brgy. Balabag na may 115 at Brgy. Yapak na may 18. Ito ay may kabuuang mahigit 11 ektarya.

Kahapon ay personal na ininspeksyon ni DENR Sec. Roy Cimatu ang ilan sa mga gusaling ito na hindi sumusunod sa 25 meters no building zone.

Ipapatupad narin ng DENR ang plus five meters easement sa mga gusaling ito.

Papanagutin rin ng DENR ang mga opisyal na nagbigay ng building permit sa mga establisyimentong ito na nakatayo sa 25+5 easement.

Bibigyan naman ng hanggang 15 araw ang mga gusaling ito na magpaliwanag o kung hindi ay posible silang patawan ng cease and decease order.

Maliban rito, nais rin ng kalihim na ipatupad ang setback ng kalsada sa Boracay.

Base sa lokal na ordenansa, ang setback ng main road sa isla ay 6 metro mula sa centerline sa parehong magkabilang bahagi.

Sa ngayon, ay nasa Boracay na ang National Task Force ng DENR para mag-inspekyon at gumawa ng kaukulang aksyon hinggil sa mga problemang ito.

Thursday, February 22, 2018

TASK FORCE SASABAK NA SA PAGLUTAS SA MGA PROBLEMA SA BORACAY

Dumating na ngayong araw ang National Task Force sa Boracay para linisin at ayusin ang top tourist destination na ito.

Ang task force ay binubuo ng 120 tauhan ng Department of Environment and Natural Resources mula sa iba-ibang rehiyon.

Ginawa ang send off ceremony ngayong umaga sa covered court ng Nabas sa pangunguna ni DENR Sec. Roy Cimatu.

Sa kanyang send-off speech, ipinaliwanag ng kalihim ang magiging misyon ng task force na hinati sa anim na grupo para itatalaga sa iba-ibang bahagi ng isla.

Inutos niya na alamin ang mga gusali o bahay na iligal na naglalabas ng kanilang wastewater; mga nakatayo sa forestland at wetland; mga iligal na nagtatapon ng basura; at hindi sumusunod sa easement.

Kaugnay rito, nagpaalala si Cimatu sa task force na maging maingat at mabuting makitungo sa mga residente at mga resort and hotel owners sa pagseserbe ng show cause order at notice of violation.

Samantala, nabatid mula sa DENR na sa pinakahuli nilang tala ay umabot na sa 150 ang kanilang naserbehan ng show cause order.

Ito yung mga gusali o bahay na nakatayo sa forest land. Sa kanilang tala, ang mga ito ay kabuuang 182.

Wednesday, February 21, 2018

ESTUDYANTE NINAKAWAN HABANG NAGKOKOMUNYON SA SIMBAHAN SA KALIBO

Nagreklamo sa mga kapulisan ang isang estudyante matapos siyang nakawan sa loob ng St. John the Baptist cathedral sa Kalibo.

Kinilala ang biktima na si Janelle Kym Lalic, 20-anyos at residente ng Joyao-jayao, Numancia.

Sa imbestigasyong ginawa ng mga kapulisan, napag-alaman na positibong nakunan ng CCTV ang nasabing insidente.

Makikita rito ang isang di pa nakikilalang babae na kumuha sa wallet ng biktima sa loob ng kanyang shoulder bag habang siya ay abala sa komunyon.

Nakalayo naman agad ang suspek sa lugar matapos ang insidente.

Ayon sa biktima, laman ng kanyang wallet ang nasa Php3,000 na halaga ng pera, at mga dokumento.

Inaalam na ng mga kapulisan ang pagkakakilalan ng suspek para mapanagot sa kasong pagnanakaw.

Tuesday, February 20, 2018

21 MGA ESTABLISYIMENTO SA BORACAY SINERBEHAN NG SHOW CAUSE ORDER

photo (c) Boracay PNP
21 mga establishments/boarding houses/residential houses sa Sitio Manggayad-Talipapa Bukid, Boracay ang sinerbehan ng show cause order umaga ngayong araw ng Martes base sa report ng Boracay PNP.

Pinangunahan ito ni Atty. Wilma Lagance, legal officer ng DENR6 kasama ang mga tauhan ng pulisya at militar.

Bibigyan ng palugit ang mga ito upang magpaliwanag sa umano'y mga paglabag.

Bahagi parin ito nang nagpapatuloy na aksiyon ng gobyerno na linisin ang isla sa loob ng anim na buwan alinsunod sa atas ng pangulo ng bansa. /

AKLANON OFW BINUGBOG SA TRABAHO; PAMILYA DUMULOG SA ENERGY FM KALIBO

Dumulog na sa himpilan ang asawa ni Kasimanwang Melarose Arboleda ng Aranas Balete, Aklan. Si Melarose ay kababayan nating OFW na nagtrabaho sa Kuwait mula noong 2016.

Nito raw Pebrero dinala raw siya ng amo sa Saudi mula sa Kuwait at binugbog.

Mabuti nalang at may nagmalasakit na kababayan at tinulungan siya na makacontact sa pamilya. Kinumpiska raw ng amo ang kanyang cellphone.

Bilang tugon agad na tinawagan namin ang Agency nito na Zontar Manpower Services Inc. at nakausap namin si Ms. Grace Zabar.

Kasalukuyan na daw silang umaaksiyon at makakaasa daw ang pamilya na gagawin nila ang lahat para mapauwi ang ating kababayan.

MAHIGIT 100 TAUHAN NG DENR, ISA-ISANG BIBISITAHIN ANG MGA BAHAY AT GUSALI SA BORACAY

Labingdalawang team na bubuuin ng 100 katao ang ipapakalat ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa Boracay.

Ayon kay DENR Sec. Roy Cimatu ang mga team na ipadadala sa Boracay ay bubuuin ng mga tauhan ng DENR mula sa kanilang tanggapan sa iba’t ibang rehiyon.

Pagdating sa Boracay, literal aniyang magbabahay-bahay at bibistahin ng mga tauhan ng DENR ang bawat gusali sa isla.

Ito ay para matukoy kung sino ang may sala at nasa likod ng polusyon sa tubig sa Boaracay.

“We are sending 12 teams in Boracay. They will be going house to house and building to building to find out who are the culprit in polluting the waters of Boracay,” sinabi ni Cimatu sa press conference sa 2nd Philippine environment Summit sa Cebu City.

Muli namang tiniyak ni Cimatu na ginagawa ng DENR ang lahat para maisalba pa ang Boracay.

Sa sandaling matukoy ang lahat ng responsable sa polusyon sa Boracay, ang Pollution Adjudication Board ng kagawaran ang magpapasya sa pagpapatupad ng closure at iba pang parusa sa mga may paglabag na establisyimento. - Radyo INQUIRER

DENR, NAGPADALA NA NG MISSION TEAM SA BORACAY

Nagpadala na ng mission team sa Boracay Island si Environment Secretary Roy Cimatu para tugunan ang problemang pangkalikasan sa isla.

Layunin ng mission team na i-rehabilitate at ibalik ang dating mala-paraiso na estado ng Boracay.

Hahatin sa anim na rehiyon ang Boracay island at bawat area ay tututukan ng may limampung personnel mula sa DENR.

Binigyan ni President Rodrigo Duterte ng anim na buwan na palugit ang DENR para hanapan ng solusyon ang tumitinding problema sa polusyon sa itinuturing na top tourist destination ng bansa.

Nauna nang nag isyu ang DENR ng notice of violation sa may 300 na business establishments na kinakitaan ng paglabag sa kanilang environmental compliance certificates (ECC), kabilang na ang hindi maayos na koneksyon sa sewage treatment plant at ang hindi paglalagay ng wastewater treatment facilities. - Radyo Inquirer

PAGIGING CITY NG KALIBO ISINUSULONG NG SANGGUNIANG BAYAN

Isinusulong ngayon ng Sangguniang Bayan ng Kalibo ang pagiging lungsod o city ng kabiserang bayang ito ng Aklan.

Ayon kay SB member Daisy Briones, sa kabila ng kakulangan sa land area at bilang ng populasyon, kwalipikado umano ang Kalibo kung kita ang pag-uusapan.

Base sa inihain niyang resolusyon, ang bayang ito ay kumita ng mahigit Php189 milyon mula sa nakalipas na dalawang taon.

Mas mataas umano ito kesa hinihinging Php100 milyon ng local goverment code. Kaugnay rito naniniwala ang opisyal na mabubuhay ang Kalibo kapag naging lungsod na ito.

Sampung taon na ang nakakalipas nang una ng isinulong ni dating congressman Florencio Miraflores ang House Bill no. 4558 sa layuning ito.

Nabasura ang panukalang batas na ito dahil sa umano'y hindi naabot ng Kalibo ang hinihinging 100-sq. km. land area at 150,000 bilang ng populasyon.

Iginiit ni Briones na dahil sa mabilis na pag-unlad ng bayan, kailangan anyang sabayan ito ng pagpapaigting ng serbisyo na magiging posible lamang kapag naging ciudad na ito.

Sang-ayon naman ang iba pang mga miyembro ng Sanggunian sa kanyang pahayag. Umaasa sila na muling isusulong ito ni Congressman Carlito Marquez sa kongreso.

PAMAHALAANG LOKAL NG MALAY NAGLABAS NA NG PAHAYAG TUNGKOL SA KRISIS SA BORACAY

Naglabas na ng opisyal na pahayag araw ng Lunes ang pamahalaang lokal ng Malay tungkol sa krisis na kinakaharap ng isla ng Boracay.

Kasunod ito ng pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte mahigit isang linggo na ang nakalilipas na ipapasara niya ang tourist spot kapag hindi nalutas ang suliranin sa dumi at basura.

Hindi naman itinanggi ng pamahalaang lokal ang problemang ito. Tanggap rin umano nila ang 'constructive criticism' ng pangulo sa isla kabilang na ang pagtawag nya rito na 'tapunan ng basura'.

Bago paman umano ang hamon ng Pangulo, kumilos na ang pamahalaang lokal sa paglilinis ng tambakan ng basura dito at striktong pagpapatupad ng batas sa pagtatayo ng mga gusali.

Samantala, nagpahayag naman ng pagkondena ang pamahalaang lokal sa larawang ginamit ng Abs-cbn at ng GMA sa kanilang report.

Paliwanag nila, 'recycled' umano ang mga larawang ginamit kung saan ang baybayin ng Boracay ay puno ng lumot na nangyayari lamang kapag summer.

Sa kabila nito, pinasiguro ng Malay na makikipagtulungan sila sa pamahalaang nasyonal upang malinis ang Boracay sa loob ng anim na buwan.

Narito ang buong pahayag: http://www.malay.gov.ph/index.php/211-official-statement

MGA NEGOSYANTE SA BORACAY, NANAWAGAN SA DENR NA BERIPIKAHIN ANG LISTAHAN NG MGA PASAWAY NA ESTABLISYIMENTO

Umapela ang mga business operators sa Boracay Island sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) kaugnay ng kanilang listahan ng mga establisyimentong sumusuway umano sa environmental laws and regulations.

Ayon kay Boracay Foundation Inc. Nenette Aguirre-Graf, sana ay tiyakin muna ng DENR na tama at up to date ang nasabing listahan bago nila ito ilabas sa publiko.

Hindi pa aniya nila ito nakikita pero may ilang mga establisyimento na nasa listahan na nakakasunod na sa mga batas, habang ang isa naman ay nagsara na.

Ayon kay DENR spokesperson Usec. Jonas Leones, sa 51 na negosyong pinadalhan nila ng notices of violation for non-compliance or violation of provisions of the Clean Water Act, 14 ang napag-alaman na sumusunod sa batas.

Karamihan sa mga pinuna ay may mga iligal na koneksyon sa drainage system o kaya ay hindi nakakonekta sa sewerage system ng isla.

Tinatarget ng DENR ang mga negosyo na iligal din na nagtatapon ng kanilang sewage water sa drainage system na nakalaan lang para sa tubig mula sa ulan.

Ayon pa kay Graf, bagaman nagdeklara sila ng suporta para sa paghabol sa mga pasaway na establisyimento, iginiit niyang dapat ay ibinatay sa beripikadong impormasyon ang inilalabas na notices of violation ng DENR.

Sa ganitong paraan aniya ay maiiwasan naman ang pagkakasira sa pangalan ng mga establisyimentong sumusunod naman sa kanilang patakaran.

Samantala, tiniyak naman ni Leones na bibigyan nila ng pagkakataong makatugon ang mga establisyimentong kanilang sisitahin, at makasunod o maitama ang kanilang mga ginagawang paglabag bago nila ito isapubliko. - Radyo INQUIRER

Monday, February 19, 2018

UTILITY WORKER NG MUNISIPYO NG BURUANGA NAKURYENTE HABANG NAGLILINIS NG ALULOD

photo (c) Buruanga PNP
To the rescue ang mga kapulisan, mga bombero at rescuer ng MDRRMO sa bayan ng Buruanga sa lalaki na ito na nakuryente sa bubong ng munisipyo.

Sa impormasyon mula sa Buruanga PNP, naglilinis ng alulod ang biktimang si Diolito Iguiron y Salmingo nang masagi niya ang main line ng kuryente.

Napansin ng mga kasama niyang empleyado ang kanyang pagkatumba sa bubong at agad na humingi ng rescue sa mga otoridad.

Agad na dinala sa Buruanga municipal hospital ang 49-anyos na utility worker ng munisipyo. Ayon kay PO2 John Zolina, imbestigador, nawalan pa ng malay ang biktima.

Kalaunan ay inilipat rin sa ospital sa Kalibo ang nasabing biktima matapos magtamo ng sugat sa kanyang ulo.

Handa namang magbigay ng kaukulang tulong ang munisipyo para sa pagpapagamot ng nasabing casual employee.

KALIBO PNP MAY BAGO NANG HEPE

PSupt. Richard Mepania
May bagong hepe na ang ating Kalibo PNP Station simula ngayong araw ng Lunes, Pebrero 19.

Siya si PSupt. Richard Mepania. Si Mepania ay tubong Davao del Norte.

Ang dating officer-in-charge na si PSInsp. Honey Mae Ruiz ay balik sa pagiging deputy para sa admin.

Nananatiling deputy naman si PSInsp. Ronald Paclivar para sa operation.

Si Ruiz ay nakatakdang magschooling ngayong Marso.

PAARALAN SA NUMANCIA SINULATAN NG PAGSUPORTA SA CPP-NPA

Nagulat ang pamunuan ng Camanci Sur Elementary School matapos makita ang mga vandal na ito sa kanilang paaralan.

Ayon kay Punong Barangay Nelly Briones, isang mapayapa at maayos na lugar ang Camanci Sur.

Nabatid na ito na ang pangalawang pagkakataon na nangyari ang insidenteng ito sa nasabing paaralan.

Nanawagan ang mga opisyal ng barangay sa mga responsable na itigil na ang gawaing ito.

Iniimbestigahan na ng mga kapulisan ang insidente.

PAMILYA NA MAY 14 NA ANAK, TINULUNGAN NG ENERGY FM

OPLAN TABANG NI IDOL

Naghatid ng tulong si Kasimanwang Jodel "Idol" Rentillo kasama ang kanyang pamilya at ang Energy FM Kalibo sa isang mahirap na pamilya sa Brgy. Tinigaw. Ang pamilyang ito ay may 14 anak kung saan apat dito ang namatay na. Kasama ng grupo ang konseho ng barangay sa pag-abot ng tulong kagaya ng bigas, unan, kumot at mga damit.






BAHAY SA BAYAN NG LEZO, NATUPOK NG APOY

Narito ang mga larawang kuha ng news team sa sunog na naganap sa Ibao, Lezo, Aklan.

Walang naisalbang gamit ang pamilya kasama ang pera sa nasunog, tanging barya lamang na ito ang mapapakinabangan ng pamilya.

Ang bahay na natupok ng apoy ay pagmamay-ari ni Lloyd Legaspe.

Pinaniniwalaang nag-umpisa ang apoy sa dirty kitchen na nasa likurang bahagi ng bahay.

Saturday, February 17, 2018

ISLA NG BORACAY POSIBLENG ISAILALIM SA STATE OF EMERGENCY AYON SA OPISYAL NG DILG

Isinusulong ngayon ng pamahalaang nasyonal na isailalim ang isla ng Boracay sa state of emergency o calamity sa loob ng anim na buwan.

Ito ang pinahayag ni Department of Interior and Local Government Asec. Epimaco Densing III sa isang press conference ngayong araw sa Kalibo, Aklan.

Iminungkahi na umano niya ito sa technical working group matapos siyang atasan na pangunahan ang grupo sa imbestigasyon sa kurapsyong nagaganap sa isla.

Paliwanag ni Asec. Densing, kapag nangyari ito ay iti-take-over ng national government ang operasyon sa Boracay. Paraan rin umano ito para malaanan ng kaukulang pondo ang tourist spot upang isaayos ang mga istraktura dito.

Dagdag pa ni Densing, ito rin ang magtutulak sa kanila para paigtingin ang imbestigasyon sa mga opisyal ng lokal na pamahalaan ng Malay at ng probinsiya.

Kinukuwestiyon ng opisyal kung saan napupunta ang koleksiyon ng pamahalaang lokal sa environmental at terminal fee sa isla. Nais niyang mapanagot ang mga nasa likod sa kurapsyong ito.

Sa Pebrero 21 ay darating umano sa Boracay ang iba-iba ahensiya ng pamahalaan nasyonal sa posibleng pagbaklas ng mga iligal na istraktura sa isla.

May posibilidad rin umano na ipasara ang isla sa loob ng 60 days. Kaugnay rito, tinitingnan na umano nila ang pagbibigay ng tulong sa mga apektado.

Samantala, denepensahan naman ni Densing ang pangulo sa mga kritiko niya na mis-informed ito tungkol sa kalagayan ng isla.

Ang opisyal ay nasa probinisya para pangunahan ang paglulunsad ng anti-graft and corruption campaign ng isang federalism advocate group.

SAAN NAPUNTA ANG KITA SA CAGBAN AT CATICLAN PORT, SINAGOT NG LGU AKLAN

Nagbalik tanaw ang Fb page ng Province of Aklan at isinulat nila ang mga katagang ito bilang tugon sa mga nagtatanong kung saan napunta ang koleksiyon sa terminal fees sa Cagban at Caticlan Port:

"To those who missed out this quick guide to where your Caticlan and Cagban terminal fees go, here are some slides during SOPA 2017 for your information.

Based on the data, the three hospitals (Dr. Rafael S. Tumbokon Memorial Hospital, Ibajay Hospital and Altavas Hospital) that is being managed by the provincial government sourced its hospital operations from the net income of the Caticlan and Cagban Jettyport.

2014-2016:
486 MILLION pesos required to sustain hospital operations from the net income of 690 MILLION from the Caticlan and Cagban fees.

Did you know that the TOTAL OPERATING COST of DRSTMH, Ibajay Hospital and Altavas Hospital from 2014-2016 is 1.1 BILLION and its TOTAL HOSPITAL REVENUE is 592 MILLION ONLY.

This income-generating venture of the province serves its purpose of supporting social services to the indigents, as this is one of the priorities set by Gov. Florencio T. Miraflores.

Abo gid nga saeamat sa mabahoe ninyong bulig nga makatao ro gobierno probinsyal sa mga kubos natong mga igmanghod it serbisyo medikal.

Feel free to share, so that we can all appreciate the REAL FACTS as to where your terminal fees is being utilized by the provincial government under GOVERNOR FLORENCIO T. MIRAFLORES."

KALSADA SA NUMANCIA, BINASBASAN PARA MAILAYO SA DISGRASYA ANG MGA MOTORISTA

photo (c) Numancia PNP
Binabasbasan ng mga paring ito ang kahabaan ng National Highway sa Laguinbanwa East, Numancia para mailayo sa mga aksidente ang mga motorista o mga taong dumaraan dito.

Sa ulat kasi ng Numancia municipal police station, mataas na mga kaso ng aksidente sa kalsada ang naitala rito at ilan ay namatay.

Kamakailan lang, isang motorsiklo ang nabundol ng bus sa nasabing lugar. Patay ang isa sa mga sakay nito samantalang malubha ang isa. Nabatid na parehong nakainom ang dalawa.

Pinangasiwaan ang pagbababasbas na ito nina Fr. Richie Sarabia at Fr. Jose Relente ng Numancia Parish.

Saksi rito ang mga opisyal ng barangay at mga kapulisan. Sa kabila nito, paalala parin ng mga otoridad na sumunod sa batas trapiko at ibayong pag-iingat kapag nagbibiyahe para iwas disgrasya. /

Friday, February 16, 2018

MGA ATI SA NUMANCIA, NAKABENIPISYO SA LIBRENG DENTAL AT MEDICAL MISSION

Nagsagawa ng libreng medical-dental at feeding mission ang iba-ibang non-government organization sa Ati Community sa Brgy. Bulwang, Numancia ngayong umaga.

May libre ring hygiene kit at mga gamot na ibinigay para sa mga ati. Tinatayang nasa 60 mga kabataan ang sumailalim sa dental mission.

Ang proyektong ito ay sa pagtutulungan ng Soroptimist International Club, Wesel & Police Hotline Movement Inc., Guardian Brotherhood, Carl Balita Review and Training Center and Aklan State University.

Ayon sa lider ng Ati Community, ito ang unang pagkakataon na nagkaroon ng ganitong proyekto sa kanila kaya lubos ang kanilang pasasalamat sa biyayang ito at sa mga taong nasa likod nito.

Thursday, February 15, 2018

ILANG OPISYAL NG AKLAN IIMBESTIGAHAN DAHIL SA PAGDUMI NG BORACAY

Iniimbestigahan ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang posibleng pananagutan ng mga lokal na opisyal sa Aklan sa umano’y krisis sa Boracay.

Ipinahayag ni DILG Secretary Eduardo Año na inilunsad na nila ang imbestigasyon dahil dapat ay mahigpit na ipinatupad ng mga opisyal ang environmental law sa nasabing tourist spot.

Kinuwestyon ni Año ang pagpayag ng local government units sa pagtatayo ng mga struktura sa forest lands.
Nagbabala ang kalihim na sasampahan nila ng kasong administratibo at kriminal ang mga opisyal batay sa mga ebidensyang makakalap.

Tiniyak ni Año na pinabibilis nila ang imbestigasyon.

Ayon kay Environment Secretary Roy Cimatu, hindi bababa sa 50 establishemento sa Boracay ang binigyan ng notice dahil sa paglabag sa water treatment laws.

Una nang nagbanta si Pangulong Rodrigo Duterte na ipasasara ang naturang tourist spot kapag hindi nalinis sa loob ng anim na buwan. - Radyo INQUIRER

SUNUD-SUNOD NA PAGKAMATAY NG APAT NA BATANG MAGKAKAPATID DAHIL SA UMANO'Y GUTOM AT SAKIT IKINABAHALA NG SANGGUNIANG BARANGAY SA KALIBO

Ikinabahala ng mga opisyal ng isang barangay sa Kalibo ang sunud-sunod na pagkamatay ng apat na batang magkakapatid sa kanilang lugar dahil umano sa pagkakasakit at gutom.

Kaugnay rito nagpatawag ng pagpupulong ngayon araw ang Sangguniang Barangay kung paano matuganan ang naturang problema.

Nabatid na ang mga bata ay may sampu pang nabubuhay na mga kapatid at ikinababahala ng barangay ang magiging kalagayan ng mga ito lalu at walang permanenteng trabaho ang mga magulang.

Sa loob ng anim na taon, apat na mga bata ang namatay. Pinakahuling namatay Disyembre ng nakaraang taon ang kanyang anak na lalaki na mahigit dalawang taon palang.

Ang panganay na 18-anyos na babae ay bago lang nanganak.

Napansin ng barangay na tila nagiging gala na ang mga bata, hindi na nakakapasok sa paaralan at nasasangkot rin sa ilang kaso ng nakawan.

May mga pagkakataon na may mga lumapit na na grupo at indibidwal para ampunin ang mga naturang bata subalit mismong ang nanay ang umaayaw na ipaampon ang mga ito.

Tatlo sa mga bata ay benipesaryo ng 4Ps pero isa sa mga ito ay inalis na dahil hindi pumapasok sa eskwela.
Kaugnay rito, plano ng barangay na i-rescue ang mga bata. Kung magpupumilit umano ang mga magulang at hindi maisayos ang sitwasyon ng mga anak ay posible umano silang sampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 7610.

Nakikipagtulungan na ang barangay sa Social Welfare Office, sa Health Office at sa mga kapulisan para matugunan ang kanilang problema.

Samantala, dinalaw ng Energy FM Kalibo ang nasabing pamilya upang kapanayamin. Itinanggi ng ina na pinapabayaan niya ang mga bata at namatay ang apat hindi dahil sa gutom.


Nanindigan siya na ayaw niyang ipaampon ang mga anak.

PAGTA-TATTOO AT BODY-PIERCING NAIS I-REGULATE NG SANGGUNIANG BAYAN NG KALIBO

Isinusulong ngayon sa Sangguniang Bayan ng Kalibo ang pag-regulate sa pagta-tattoo at body-piercing dahil sa panganib na dulot nito sa kalusugan.

Ayon kay SB member Cynthia Dela Cruz, posible anyang magkaroon ng sakit sa balat ang mga nagpapatattoo o nagpapa-body-piercing. Kabilang rito ang hepatitis at titanus.

Posible rin anyang mahawaan ng AIDS o HIV ang mga sangkot sa mga body-modification.

Kaugnay rito, nais ng may-akda na magkaroon ng mga kaukulang permit mula sa munisipyo ang mga tatoo parlor o body-piercing facility.

Kailangan rin anya na ang tattoo artist at iba pang sangkot sa gawaing ito ay sumailalim sa mga training alinsunod sa mga pamantayan ng Health Office.

Ipagbabawal rin ang pagtatattoo o pag-body-pierce sa mga menor de edad maliban lamang sa mga kadahilanang medikal.

Panukala ng opisyal, papatawan ng hindi bababa sa Php2,500 ang sinumang lalabag dito o posibleng pagkansela ng lisenya o pagkakulong ng isang buwan.

Sasailalim pa sa mga pagdinig at pag-aaral ng Sanggunian ang nasabing panukala.

TATLONG LASING TUMAKBO NANG SITAHIN NG PULIS, MOTORSIKLO AT MGA TSINELAS NAIWAN

Sinita ng pulisya ang tatlong lasing na lalaki na sakay ng motorsiklong ito sa Osmeña Avenue alas onse pasado kagabi.

Ayon sa PNP Kalibo nakasalubong nila ang tatlo at pagiwang-giwang ang takbo nag motor at lumalagpas na sa kanilang lane.

Nang sitahin ng pulis nagalit ang mga ito at sinabahing "F*ck kayo!" saka biglang ini-arangkada ang motor.

Hinabol sila ng PNP hanggang sa makarating sa Villa Ester sa New Buswang kung saan nawalan ito ng balanse at natumba.

Pagkatumba agad tumakbo ang mga ito sa kasagingan at naiwan ang motor, tsinelas at sapatos.

Nasa kustodiya na ito ng PNP sa ngayon. Inaalam pa kung sino ang mga sakay nito.

PANGULONG DUTERTE MISINFORMED UMANO TUNGKOL SA BORACAY AYON KAY GOV. MIRAFLORES

Naniniwala si Aklan Governor Florencio Miraflores na maling impormasyon ang nakarating sa pangulo ng bansa hinggil sa kalagayan ng baybayin sa Isla ng Boracay.

Ito ang sinabi ng gobernador sa naganap na pagpupulong ng mga stakeholder araw ng Miyerkules hinggil sa pahayag at hamon ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Matatandaan na tinawag ni Duterte na 'tapunan' ng basura ang Boracay at nagbanta na kapag hindi naayos ang suliranin sa dumi at basura sa loob ng anim na buwan ay ipasasara niya ito.

Nilinaw naman ng gobernador na maaaring pamamaraan lamang ito ng pananalita ng pangulo na kailangan na ang agarang pagkilos para malutas ang mga problema sa isla.

Aminado naman ang gobernador na may kakulangan rin ang pamahalaang lokal ng Malay at probinsiya at maging ang pamhalaang nasyonal sa umano'y kakulangan ng suporta.

Sa kabila nito sinabi niya na hindi ito ang panahon para magsisisihan kundi dapat ay magtulungan ang lahat.
Kaugnay rito, nangako si Miraflores ng limang milyong piso para pondohan ang agarang pagsasaayos ng drainage at sewerage system ng Boracay. Nangako rin ng dagdag na limang milyon ang DENR-6 para sa parehong layunin.

Samantala, sa report ng DENR-EMB, bagaman mataas ang coliform contamination sa Bolabog Beach sa isla, hindi pa umano ito umabot sa lebel na hindi na ligtas sa tao. Ipinakita rin na ang iba pang bahagi ng baybayin ay malinis para paliguan.