Friday, October 05, 2018

MGA MAGULANG MAGWEWELGA KONTRA SA PRINCIPAL NA SI MS. ALCEDO

MAGWEWELGA ANG mga magulang kontra sa principal ng Estancia Elementary School dahil sa umano'y di niya magandang pakikitungon sa mga guro.

Ito ay dahil sa diskontento sila sa resulta ng imbestigasyon ng Grievance Committee na binuo ng Department of Education - Aklan sa reklamo sa punong guro na si Ms. Mary Ann Alcedo na panatilihin ito sa kanyang pwesto.

Matatandaan na mahigit 300 mga magulang ang una nang lumagda sa magkahiwalay na mga petisyon kontra sa principal.

Kabilang sa binanggit nila ang umano'y pagpapahiya niya sa mga guro sa kanilang mga pagpupulong at maging sa harap ng mga magulang at mga mag-aaral.

Hindi rin umano mabuti ang pakikitungo niya sa mga opisyal ng barangay, Parents and Teachers Association at sa mga miyembro ng 4Ps.

Nabatid na ilan pang bagong petisyon ng mga magulang at mga concerned citizen nananawagan sa DepEd na paalisin sa pwesto o ilipat ng eskwelahan ang principal.

Nabatid na sa 17 mga guro sa paaralan, 14 dito ang kagalit ng prinsipal.

Sa hiwalay na petisyon nakasaad naman ang pagkabahala ng ilang nga magulang na apektado na ang pag-aaral ng kanilang mga anak.

Sinubukan na noon ng Energy FM Kalibo na kunin ang pahayag ng punong guro pero tinanggihan nito ang aming lakad sa kanyang tanggapan.

Sa impormasyon ng News Team, sa susunod na linggo ay isasagawa ang planong kilos-protesta laban sa punong guro. Posible ring sumuporta ang konseho ng barangay.##

PESO-MALAY MAY PANAWAGAN SA MGA TRABAHANTE NA GUSTONG BUMALIK SA BORACAY

photo © MBTF, file photo
MAY PANAWAGAN ngayon ang Public Employment Service Office (PESO) – Malay sa mga trabahante na gustong bumalik sa Isla ng Boracay.

Sa panayam ng ENERGY FM KALIBO kay Jona Solano, Municipal Coordinator ng PESO-Malay, sinabi niya na kailangan munang siguraduhin ng mga babalik na worker sa isla na nakarehistro na ang kanilang pangalan sa PESO.

Aniya, ang mga workers ay may sarili nang lane sa Caticlan Port at sa Port sa Boracay kung saan isasailalim sila sa screening ng mga staff ng PESO para masigurong nakarehistro na sila.

Noon pa man aniya ay pinaaasikaso na ng kanilang tanggapan sa kanilang employer ang mga pangalan ng kanilang mga employee o worker para sa pagrehistro sa PESO-Malay.

Nagkakaroon lamang umano ng hindi pagkakaunawaan sa port kung wala sila sa listahan. Tatawagan umano nila ang kompanya o establisyementong pinagtratrabahuhan para makumpirma.

Kung wala sa list, hahanapan muna ito ng certification of employment mula sa kanyang employer at pagbabayarin ng Php200 para sa occupational permit base aniya ito sa mga municipal ordinance para makapasok at makapagtrabaho sa Isla.

Nilinaw rin niya na ang nirerequire lang nila sa nakarehistro na mga workers ay company ID at certification ng employer at hindi na kailangan ang voter’s ID o iba pang government ID.

Sa mga naghahanap palang umano ng trabaho ay makabubuti na sa online nalang muna mag-apply at sa mga datihan naman ay siguraduhing pinatatawag na sila ng employer kung babalik na sila at pinarehistro na sila sa PESO.

Maaari rin muna silang makipag-ugnayan sa kanilang tanggapan kabilang na kapag may job fair sa mainland.##

BABAE HULI SA DRUG BUYBUST OPERATION SA BRGY. ESTANCIA!

Timbog sa drug buybust operation ang babaeng ito sa brgy Estancia Kalibo.

Kinilala ang suspek sa pangalang NiƱa Hannah Guinez Y Maypa.

Nakuha sa suspek ang isang sachet ng pinaghihinalaang shabu kapalit ng P5,000.00 na buybust money.

-Kasimanwang Archie Hilario, Energy FM 107.7 Kalibo