Saturday, September 01, 2018

MOTOR NABUNDOL NG VAN SA BAYAN NG TANGALAN, TATLO SUGATAN

ISANG MOTORSIKLO ang nabundol ng van sa kahabaan ng national highway sa Brgy. Tamalagon, Tangalan umaga ng Sabado. Tatlo ang naiulat na sugatan.

Ayon sa Tangalan PNP, ang motorsiklo ay patungo sa bayan ng Makato. Menamaneho ito ni Gerald Sorca, 22-anyos, sakay sina Bernard,50, at Delma Macawili,48, mga residente ng Brgy. Agbalogo, Makato.

Tumabi umano sa gilid ng kalsada ang motorsiklo nang mapansing may mabilis na L300 van na paparating kasunod niya. Mabilis ang takbo ng van at sa tabi rin ito dumaan dahilan para masalpok niya ang sinusundan motorsiklo.

Parehong nagtamo ng mga sugat sa katawan ang mga sakay ng motorsiklo at agad isinugod sa Dr. Rafael S. Tumbokon Memorial Hospital.

Hindi naman nagtamo ng sugat ang driver ng van na nakilala na si Arnold Tabing, 52, ng Brgy. Bagto, Lezo.

Sinabi ng imbestigador na si SPO4 Manuel Estrada na sasagutin nalang ng driver ng van ang medikasyon ng mga biktima.##

- Darwin Tapayan, Energy FM Kalibo
photo c. Allen Goboy

Friday, August 31, 2018

LALAKI ARESTADO SA NUMANCIA SA PAKIKIPAGTALIK SA MENOR DE EDAD

ARESTADO ANG isang lalaki sa bayan ng Numancia hapon ng Huwebes makaraang ireklamo ng nakarelasyong menor de edad.

Kinilala ang akusado na si Eutiquio Ombajen Jr., 43-anyos, residente ng Brgy. Camanci Norte sa nasabing bayan.

Inaresto siya ng kapulisan sa kanyang residensiya sa bisa ng warrant of arrest sa krimeng paglabag sa Republic Act 7610 o Children's Welfare Act.

Sa panayam ng Energy FM Kalibo, sinabi ng akusado na naganap ang insidente Hulyo 2017 ilang araw lang makaraang makilala niya ang babae.

Inamin niya na nakipagtalik siya sa biktima pero idenepensa na hindi niya alam na menor de edad ito. Iginiit niya rin na mayroon silang relasyon ng babae.

Sa mga sumunod na araw ang babae ay nakipaghiwalay uamano sa kanya dahilan para ihinto ang anumang komunikasyon sa biktima.

Nagbuntis umano ang biktima at nagkaanak.

Pansamantalang ikinulong sa Numancia Police Station ang akusado at nakatakdang dalhin sa korte. Php200,000 ang piyansang itinakda sa kaso.##

- Darwin Tapayan, Energy FM Kalibo

Thursday, August 30, 2018

PULIS TINAGA NG LASING SA BAYAN NG BANGA

ISANG PULIS ang tinaga ng isang lalaki sa Brgy. Poblacion, Banga gabi ng Miyerkules.

Kinilala ang biktima na si PO2 Danilo Dalida Jr., miyembro ng Banga PNP.

Salaysay ng biktima papauwi na siya sakay ng kanyang motorsiklo nang umovertake sa kanya ang suspek sakay rin sa kanyang motorsiklo.

Huminto umano ito sa harapan at nilapitan ang biktima saka tinaga ito. Maswerteng nakailag ang biktima.

Nagpakilala umano ang naka-off duty na si Dalida na siya ay pulis dahilan para bumalik ito sa motorsiklo at mabilis na tumakbo papalayo.

Nahuli rin ang suspek makaraang madisgrasya ito habang hinahabol ng biktima. Nabatid na nasa impluwensiya ito ng alak.

Siya ay nakilalang si Felix Namayan, 32 at residente ng Brgy. Benturanza, Banga.

Nasabat ng kapulisan ang nasa 18 pulgadang haba ng itak. Sinampahan narin ng kasong attempted homicide ang suspek.##

- Darwin Tapayan, Energy FM Kalibo