Saturday, March 24, 2018

PAL POSIBLENG MAGPATUPAD NG ADJUSTMENT SA OPERASYON KAPAG NAGSIMULA NA ANG CLOSURE SA BORACAY

Posibleng magpatupad ng adjustment sa kanilang operasyon sa Caticlan Airport at Kalibo International Airport ang Philippine Airlines (PAL).

Ayon kay PAL spokesperson Ciel Villaluna, sa sandaling matuloy na ang shutdown sa Boracay, magpapatupad ang PAL ng adjustment sa kanilang operasyon at dedepende ito sa itatagal ng closure ng isla.

Tiniyak naman ni Villaluna na aasistihan nila ang mga pasaherong maaapektuhan ng closure para sa rebooking ng kanilang flights o refund ng kanilang pamasahe.

Ani Villaluna, hindi naman sila tuluyang mag-aalis ng biyahe sa dalawang paliparan dahil mayroon pa namang mga residente at negosyante na bibiyahe sa Kalibo at sa iba pang bahagi ng Aklan.

Tiniyak naman ni Villaluna na maglalabas sila ng abiso sa mga biyahero sa sandaling magkaroon ng pagbabago sa kanilang operasyon bunsod ng closure ng Boracay./ Radyo Inquirer

MGA TURISTA NAGSIMULA NG MAGKANSELA NG BIYAHE NILA SA BORACAY

Nagsimula nang magkansela ng kanilang mga biyahe patungong Boracay Island ang mga turista.

Ito ay bago pa man aprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang April 26, 2018 na simula ng closure ng isla para sa rehabilitasyon.

Ayon sa isang resort operator sa Boracay, 25 guests na nila ang nagkansela ng reservations.

Ang nasabing mga turista sana ay dadalo sa event na “Laboracay” para sa long weekend sa May 1 holiday na Labor Day.

Ayon kay Malay municipal executive assistant for Boracay affairs Rowen Aguirre, nag-back out na rin ang mga corporate sponsors para sa nasabing event dahil nga sa napipintong pagsasara ng isla.

Una nang sinabi ng Malakanyang na maari pang ituloy ng mga turista ang kanilang pagpunta sa Boracay ngayong Holy Week dahil mananatili pa naman itong bukas./ Radyo INQUIRER

Friday, March 23, 2018

PAGGAMIT NG MGA PLASTIC BAG IPAGBABAWAL SA KALIBO AYON SA MIYEMBRO NG SANGGUNIANG BAYAN

Isinusulong ngayon sa Sangguniang Bayan ng Kalibo ang pagbabawal sa mga plastic bag sa bayang ito.

Nabatid na mayroon ng umiiral na ordenansa ang munisipyo kaugnay rito pero hindi lang napapatupad.

Nais ngayon ni SB member Cynthia Dela Cruz, committee chair on environment, na buhayin ang ordinance 2013-008 o "Ordinance Regulating the Use of Plastic Bags and Styrofoam".

Ilan sa mga rekomendasyon niya ang magpataw ng multa sa paggamit ng plastic bag at pagbibigay insintibo sa mga gumagamit ng reusable bag.

Ipapatawag rin umano niya ang mga stakeholders at mga dealer ng mga plastic bag para sa isang pagpupulong.

Sinabi ng opisyal sa kanilang regular session, nagiging problema na ang mga plastic bag sa bayang ito. Ito anya ang isa sa mga problema na kinakaharap ng Isla ng Boracay.

Umaasa ang lokal na mambabatas na tuluyang maalis ang paggamit ng plastic bag at styrofoam sa kabiserang bayang ito.