Wednesday, April 04, 2018

MAYOR LACHICA AT ILANG RESIDENTE SA KALIBO TUTOL PARIN SA DREDGING NG AKLAN RIVER

Tutol parin si Mayor William Lachica at ilang residente sa bayan ng Kalibo kaugnay ng planong pagbuhay ng dredging project sa Aklan river.

Nanindigan si Mayor Lachica na hindi siya sang-ayon sa dredging project sa Aklan river hanggang walang proteksyon ang ilog.

Ito ang naging pahayag ng alkalde umaga ng Miyerkules sa panayam ng Energy FM Kalibo kaugnay ng balitang sisinulan na ang dredging sa ikalawang linggo ng Abril.

Umaga ngayong araw ay dumating na ang dredging vessel ng STL Panay Resources Co. Ltd. at umaangkorahe sa baybayin ng probinsiya.

Ipinagtataka ni Mayor Lachica kung bakit sa kabila ng pagtutol na ito ng mga residente ay itutuloy parin ng gobyerno provincial at project partner na STL.

Ganito rin ang paninindigan ni Punong Barangay Maribeth Cual ng Bakhaw Norte, Kalibo at ilang residente sa nasabing barangay na direktang apektado ng proyekto.

Matatandaan na naunsyami ang operation matapos na mismong si dating DENR Secretary Gena Lopez ang nag-utos na itigil ang dredging buwan ng Enero ng nakaraang taon.

Kasunod iyon ng mga pangamba ng ilan lalu na ng mga taga-Brgy. Bakhaw Norte, Kalibo na ang nasabing proyekto ay magdudulot ng pagguho ng lupa sa mga tabing-ilog./ Darwin Tapayan, EFM Kalibo

PANGANGALAGA SA LIKTINON WHITE ROCKS NG MADALAG PINASIGURO NG PAMAHALAANG LOKAL

photo (c) flickr
Pinasiguro ngayon ng pamahalaang lokal ng Madalag na mapangalagaan ang kalinisan at natural na ganda ng Liktinon White Rocks sa Brgy. Ma. Cristina.

Kasunod ito ng pag-apruba ng Sangguniang Panlalawigan sa kanilang regular session Martes ng hapon sa ordenansa na nagtatakda ng Php20.00 na environmental and admission fee sa mga turista kapwa lokal at foreigner.

Ayon kay Escot Intela, municipal tourism officer, ang ordinance no. 2017-001 ay binuo dahil narin sa tumataas na bilang ng mga turista na dumarayo sa natural rock formation na ito sa Timbaban River.

Paliwanag ng opisyal, gagamitin umano ang malilikom na pondo para sa pag-maintain ng kalinisan ng lugar at sa pagdaragdag ng mga kaukulang pasilidad rito.

Sa ngayon anya ay nagtayo na ng mga comfort room at shower room ang munisipyo roon para sa mga bisita. Plano ring buksan ang itinayong tourim information center doon.

Nilinaw naman ni Hannibal Cometa, Sangguniang Bayan secretary ng Madalag, na libre sa mga Madalagnon sa environmental at admission fee at mga bata 12-anyos pababa base sa ordenansa.

May 20 porsyentong deskwento naman ang mga senior citizen, person with disabilities, at estudyante.

Magkakaroon naman ng bahagi ang Barangay ng Ma. Cristina sa kikitain.

MAS MASAYA AT MAKULAY NA "BUGNA IT TANGAEAN" PINAGHAHANDAAN NA NG LOKAL NA PAMAHALAAN

Pinaghahandaan na ngayon ng pamahalaang lokal ng Tangalan ang kanilang piyesta sa darating na Mayo tampok ang mga lokal na produkto at mga tanawin sa bayan.

Inaasahan na magiging masaya at makulay ang selebrasyon ng "Bugna it Tangaean" ngayong taon dahil sa mga bagong aktibidad.

Ayon kay Mayor Gary Fuentes, isa sa mga aabangan ay ang search for Mr. and Ms. Bugna it Tangaean na lalahukan ng mga kandidata mula sa 15 barangay.

Kaiba umano sa unang Mr. and Ms. Bugna na pinipili through popularity vote, ngayon ay may talent show at question and answer portion na bilang bahagi ng pageant o beauty search.

Sa Mayo rin ay may patimpalak ang pamahalaang lokal sa pagpili ng magiging opisyal na municipality hym.
Sa Mayo 15 at 16 ang highlight ng sanglinggong pagdiriwang kung saan matutunghayan ang float parade at street dancing ng mga kabarangayan.

Ipinagmalaki rin ni Mayor Fuentes na kinakatawan ngayon ni Ms. Noelle Fuentes ang bayan ng Tangalan sa Ms. Earth pageant na opisyal na magsisimula ngayon Abril 14.

Samantala, inaprubahan na ng kongreso sa ikatlo at huling pagbasa ang pagdideklara ng Hulyo 31 tuwing taon bilang 'Tangalan Day'.