Monday, March 05, 2018

PAGKAKAROON NG IISANG PALABABAYAN SA WIKANG AKLANON ISINUSULONG NG NATIONAL ARTIST

Virgilio Almario
Isinusulong ngayon ng National Commission for Culture and the Arts (NCAA) ang pagkakaroon ng iisang palabaybayan ng mga salitang Aklanon.

Sa Marso 6-8, isang seminar at kumperensiya ang idadaos sa Aklan Training Center sa New Buswang para sa nabanggit na layunin.

Pangungunahan ito ng pambansang alagad ng sining na si Virgilio Almario, tagapangulo ng NCCA. Si Almario o "Rio Alma" ay isang manunulat, tagapagsalin, guro at makata.

Ayon kay Philip Kimpo, konsehal ng Kalibo at isa ring manunulat, tutulong umano ang NCCA at Komisyon sa Wikang Filipino sa pagbabalangkas ng iisang ortograpiya o palabaybayan sa Aklanon.

Pag-uusapan umano sa aktibidad na ito ang mga suliraning kinakaharap ng Aklanon sa tamang pagbaybay ng mga salita ng sariling dialekto o wika.

Sinabi pa ni Kimpo, tagapagtatag ng AkLit, isang grupo ng mga lokal na manunulat, isang aklat umano ang planong ilathala sa palabaybayan ng lokal na dialekto pagkatapos ng aktibidad.

Ang tatlong araw na "Seminar at Kumperensiya sa Wikang Akeanon at Wikang Pambansa" ay bahagi parin ng Madya-as Art Festival, isang lokal na pagdiriwang ng sining at panitikan.

Dadaluhan ito ng mga manunulat, mga guro at mga mag-aaral mula sa iba-ibang paaralan sa probinsya. - Darwin Tapayan, EFM Kalibo

Sunday, March 04, 2018

TRAVEL AGENCIES NA KONTRA SA POSIBLENG 60 ARAW NA MORATARIUM SA BORACAY, PWEDENG MAGMUNGKAHI SA DOT

Bukas ang Department of Tourism (DOT) sa magiging suhestyon ng travel agencies sa paglilinis ng Boracay na kumokontra sa pansamantalang pagpapasara nito.

Sa isang panayam, sinabi ni DOT Assistant Secretary Ricky Alegre na tatanggap sila ng position paper para makita kung ano ang kayang iambag ng travel agencies sa loob ng anim na buwan kaugnay nito.

Inalmahan ng Philippine Travel Agencies Association of the Philippines ang planong pagpapatupad ng 60 na araw na moratorium para tugunan ang environmental problems ng Boracay.

Samantala, ayon kay Alegre, ipepresenta nila kay Pangulong Rodrigo Duterte sa cabinet meeting sa Lunes ang kanilang rekomendasyong pansamantalang isara sa mga turista ang isla. - Radyo INQUIRER

HIGIT 200 NOTICES OF VIOLATION, INILABAS NG DENR SA BORACAY

Sa pagpapatuloy ng inspeksyon, mahigit-kumulang 200 kaso ng environmental violations ang inihain ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa Boracay.

Sa pahayag ng ahensya, aabot na sa 207 ang inisyung notices of violations sa mga establisimiyentong natagpuang lumabag sa ilang environmental laws.

Inilabas ang babala sa 116 establisimiyento na lumabag sa Philippine Clean Water Act, 77 sa Philippine Clean Air Act, lima sa parehong batas at siyam naman ang walang environmental compliance certificate.

Samantala, matatandaang binigyan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang DENR, DOT at DILG ng anim na buwan para resolbahin ang problemang kinaharap ng nangungunang tourist destination na tinawag niyang “cesspool.” - Radyo INQUIRER