PANSAMANTALANG BUBUKSAN sa publiko ang Kalibo Ostrich Farm sa Brgy. New Buswang, Kalibo habang nilalakad ng may-ari ang mga kaukulang dokumento sa operasyon nito.
Sa sulat na inilabas ni Kalibo Mayor Lachica Huwebes ng hapon kay Ramon Dio, may-ari ng farm, pinayagan niyang pansamantalang magbukas sa publiko ang farm batay narin sa kahilingan ng huli.
Sa sulat, binigyan ng alkalde si Dio ng 30 araw na palugit para malakad ang Location Clearance ng farm at iba pang mga kaukulang dokumento bago ito makakuha ng Mayor's Permit.
Mababatid na pansamantalang isinara sa publiko nitong mga nakalipas na araw ang nasabing farm kasunod ng pagkadiskubre na wala itong mga kaukulang dokumento o permit mula sa munisipyo.
Iginiit naman ng alkalde sa kanyang sulat-tugon na wala pang closure order ang naturang animal farm.
Sa kabila nito aminado si Mayor Lachica na isa nang atraksiyon sa mga turista sa kabisera ng probinsiya ang nasabing farm.
Matatandaan na una nang itinampok ng himpilang ito ang nasabing farm na may nasa 40 ostrich, at iba pang mga wild animals.##
- Kasimanwang Darwin Tapayan, Energy Fm 107.7 Kalibo
No comments:
Post a Comment