photo CulturEd Philippines |
ITINUTURING NA mga unang bayani ng Aklan sa panahon ng Himagsikang Filipino ang 19 na Martír (1897) na pinatay ng mga Español sa Kalibo noong 23 Marso 1897. Noong Enero 1897, pinabalik ni Andres Bonifacio ang dalawang Katipunero na sina Francisco del Castillo (kilala rin bilang Francisco Castillo) at Candido Iban sa kanilang lalawigan ng Aklan upang magtatag ng unang sangay ng Katipunan sa Bisayas at mangalap ng mga bagong kasapi. Mula Cebu si Castillo samantalang si Iban ay isinilang sa Malinao, Aklan. Nagkakilala ang dalawa sa Australia bilang mga maninisid ng perlas. Dito nagwagi si Iban sa loterya. Ibinigay niya ang bahagi ng premyo sa Katipunan, at ginamit ang salaping ito upang makabili ng imprenta.
Kasama si Albino Rabaria ng Batan, Aklan, pinasimulan nina Castillo at Iban ang kilusang mapanghimagsik sa Aklan. Naging sentro ang Lilo-an sa Malinao ng grupo ni Iban. Si Castillo ang namuno sa isang sandugo sa Lagatik(ngayon ay New Washington) noong 3 Marso 1897. Noong 17 Marso 1897, nadakip si Iban at dinala sa Kalibo. Ilang daang Katipunero, sa pamumuno ni Heneral Castillo, ang nagmartsa sa Kalibo at humimpil sa harap ng mansiyon ni kapitan munisipal Juan Azaragal. Hinimok ni Castillo si Azaraga na lumabas ngunit pinaputukan ang heneral at namatay. Umurong ang mga nagalsa at umakyat sa bundok. Nagpabalita agad si Koronel Ricardo Carnicero Monet, pinunò ng puwersang Español sa Bisayas, na patatawarin niya ang mga rebolusyonaryo kung susuko. May limampung sumuko. Ngunit hindi tinupad ni Monet ang pangako. Sa halip, pumili siya ng 19 na inakalang lider, pinahirapan at binaril sa madaling-araw ng Marso23. Kinaladkad ang mga bangkay nila sa liwasang bayan upang huwag pamarisan.
Ang labinsiyam na martir ay sina Roman Aguirre, Tomas Briones, Domingo de la Cruz, Valeriano Dalida, Claro Delgado, Angelo Fernandez, Benito Iban, Candido Iban, Simon Inocencio, Isidro Jimenez, Catalino Mangat, Lamberto Mangat, Valeriano Malinda, Maximo Mationg, Simplicio Reyes, Canuto Segovia, Gabino Sucgang, Francisco Villorente, at Gabino Yonsul. Siyam sa kanila ang mula sa Kalibo, apat mula Malinao, at anim mula Lagatik.##
Halaw mula sa: 19 na Martir ng Aklan. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura(Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts.
No comments:
Post a Comment