Tuesday, June 05, 2018

NAKAW NA MOTORSIKLO NAREKOBER NG PULIS KALIBO; ANG SUSPEK ISANG 13-ANYOS NA BABAE

photo (c) PO2 De Lemos
Narekober ng kapulisan ang motorsiklo na ito na una nang naiulat na ninakaw. Nakuha ito sa isang 13-anyos na babae sa Brgy. Andagao, Kalibo hapon ng Lunes.

Ayon kay PO2 Erick De Lemos, imbestigador ng Kalibo PNP, pagmamay-ari umano ang motorsiklo na ito ng pamilya Ramos.

Ninakaw umano ng bata ang motorsiklo habang nakapark sa kahabaan ng Toting Reyes St. sa nasabing barangay noong Mayo 27.

Positibo namang kinilala ng may-ari ang motorsiklo bagaman ilan sa mga spare parts nito ang kinalas na ng bata.

Sinabi ng imbestigador, nakunan ng CCTV ang nasabing insidente at nakilala nila ang nasabing bata. Depensa umano ng menor de edad, napag-utusan lamang siya ng kanyang mga barkada na kunin ang motorsiklo.

Napag-alaman ayon kay PO2 Delemos, sangkot rin umano sa iba pang kaso ng pagnanakaw ang nasabing menor de edad. Iimbestigahan pa kung may iba pang pwedeng managot sa insidente.

Itinurn-over na ang menor de edad sa Women and Children and Protection Desk at sa Social Welfare and Development Office ng munisipyo para sa kaukulang disposisyon. | Darwin Tapayan, EFM Kalibo

No comments:

Post a Comment