▼
Thursday, February 21, 2019
Kalibo PNP Chief sa mga establishment, magbigay agad ng kuha ng CCTV
NANAWAGAN NGAYON ang Kalibo PNP sa mga may-ari o namamahala ng mga establishment sa bayang ito na magbigay agad ng kopya ng CCTV sa kapulisan kapag may krimen sa loob o malapit sa kanila.
Ayon kay PSupt. Richard Mepania, hepe ng Kalibo PNP, may mga karanasan na naaabala ang agarang paglutas ng kaso dahil may ilang kompaniya umano rito ang humihingi pa muna ng permiso sa kanilang mga head office sa Maynila bago makapaglabas ng kuha ng CCTV.
Ngayong araw ng Huwebes ay ipinatawag ng hepe sa police station ang mga may-ari o namamahala ng ilang establishment sa bayang ito para sa isang pagpupulong kaugnay sa nasabing usapin.
Hiningi ni Supt. Mepania ang pagsang-ayon ng mga ito sa panukalang magkaroon ng isang Memorandum of Agreement ang mga kapulisan sa mga establishment na maglabas agad ng kuha ng CCTV para makatulong sa imbestigasyon nila.
Sang-ayon naman ang mga ito sa nasabing panukala. Ayon sa hepe, binabalangkas na ang laman ng MOA na aniya posibleng sa susunod na linggo ay lalagdaaan na nila ito.
Inilahad ng hepe na sang-ayon sa section 12 at 13 ng Kalibo Ordinance no. 2017-024, kapag may insidente na naganap sa loob o malapit sa establishment ay kailangang makipag-ugnayan agad ang mga may-ari o namamahala sa kapulisan para makapaglabas ng kuha ng CCTV.
Nagbabala rin ang opisyal na ang hindi susunod rito ay posibleng maharap sa kaukulang parusa na itinatakda ng parehong lokal na ordinansa.
Binigyang diin ng hepe na malaking tulong sa kanilang imbestigasyon sa paglutas ng ilang krimen ang mga kuha ng CCTV gaya nalang pag-aresto sa mga magnanakaw.##
- ulat ni Kasimanwang Darwin Tapayan, Energy FM Kalibo
No comments:
Post a Comment