▼
Thursday, February 21, 2019
Batang may sakit sa puso nailigtas matapos makulong sa sasakyan sa Kalibo
NAILIGTAS SA kapahamakan ang isang dalawang taong gulang na batang lalaki matapos aksidente itong ma-lock-an sa loob ng sasakyan sa Kalibo kaninang umaga.
Kuwento ng ina ng bata, pinapakain umano niya ang anak nang may kinuha ito sa comparment at nang isara na niya ang pinto ng comparment ay atomatiko rin naglock ang lahat ng pinto ng sasakyan dahil naka-joint lock umano ito.
Nataranta ang ina dahil nasa loob ang susi ng sasakyan at nakaandar ito. Humingi ng tulong ang ina sa mga tao sa lugar at ipinarating nila ang insidente sa Kalibo PNP na agad namang rumesponde sa lugar.
Sinubukan ng kapulisan na pukpukin ng martilyo ang pinto sa kaliwang bahagi ng sasakyan sa driver seat banda pero nahirapan silang masira ito. Pinangambahan rin na baka matalsikan ng bubog ang bata.
Hanggang naisipan ng kapulisan na gamitan na ng drilling machine ang salamin ng pinto para madali itong mabasag. Nagkataon na may nagkokonstrukyon sa malapit roon na may ganoong gamit.
Sinira ang salamin ng pinto sa driver seat para mabuksan ang sasakyan at makalabas ang bata. Mangingiyak na nagyakapan ang mag-ina matapos mabuksan ang sasakyan.
Pinangambahan ng ina na kung ano ang mangyari sa bata lalo at may sakit ito sa puso. Aniya umabot rin ng halos kalahating oras bago nabuksan ang sasakyan.##
- ulat ni Kasimanwang Darwin Tapayan, Energy FM Kalibo
No comments:
Post a Comment