▼
Wednesday, March 13, 2019
Mga negosyante umalma sa mabagal na aksiyon ng prov'l gov't sa MKWD
UMALMA ANG ilang negosyante sa mabagal na aksiyon ng provincial government sa mahinang suplay ng tubig ng Metro Kalibo Water District (MKWD).
Sa committee hearing sa Sangguniang Panlalawigan ng Aklan ikinadismaya ng ilang opisyal ng Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI) - Aklan ang mabagal na aksiyon ng Sanggunian.
Matatandaan na una nang nagpasa ng resolusyon ang organisasyon ng mga negosyante na nagpepetisyon sa Sanggunian na usisain at bigyang tugon ang problema sa suplay ng tubig na Hulyo pa umano ng nakaraang taon nagsimula.
related story: Mga negosyante sa Aklan umaangal dahil sa mahinang suplay ng tubig ng MKWD
Nitong Martes ay pinatawag ng joint committee sa pangunguna ni Committee Chairperson on Energy and Utilities Board Member Nemisio Neron ang PCCI-Aklan para sa pagdinig.
Ikinadismaya nila na hindi kasamang ipinatawag ng komitiba ang MKWD para sana sumagot sa kanilang mga katanungan at mga hinaing.
Ipinaliwanag naman ni Board Member Dela Cruz na sumusunod lamang sila sa legislative process. Sinabi niya na may pending legislative inquiry pa ang parehong komitiba na kinasasangkutan rin ng parehong water provider.
Ayon kay Vice Governor Reynaldo Quimpo na presente rin sa hearing, hindi pa natutugunan ang problemang idinulog ng mga taga-Balete sa Sanggunian Hunyo pa ng nakaraang taon.
related story: "Poor water supply" ng MKWD sa bayan ng Balete iimbestigahan ng Sangguniang Panlalawigan
Iniimbestigahan rin aniya ng komitiba ang reklamo ng ilang residente kontra sa MKWD sa mga nakatiwangwang na mga pagbubungkal ng lupa sa ilang kabarangayan sa bayan ng New Washington.
Kaugnay rito nais ng komitiba na ireserba muna ng PCCI ang kanilang mga katanungan kung saan ipatatawag nila sa susunod na pagdinig ang MKWD para makaharap ng organisasyon.
Bago ang susunod na pagdinig ipinasusumite ng komitiba ang mga opisyal ng organisasyon ng mga dokumento gaya ng mga larawan at mga sinumpaang salaysay kaugnay ng kanilang reklamo.
related story: Mahina at malabong suplay ng tubig ng MKWD idinulog sa Energy FM Kalibo
Sinabi rin ni Vice Governor Quimpo na magpapatawag rin sila ng public hearing kaugnay ng reklamo sa mahina at malabong suplay ng tubig ng MKWD.
- Kasimanwang Darwin Tapayan, Energy FM Kalibo
No comments:
Post a Comment