▼
Tuesday, July 16, 2019
70% disaster preventive fund pwede nang magamit dahil sa 'Dengue Outbreak' sa Aklan
PWEDE NANG magamit nang gobyerno probinsiyal ang 70 porsyento ng disasters preventive fund kasunod ng deklarasyon ni Gov. Florencio Miraflores ng Dengue Outbreak sa Aklan.
Ang deklarasyon ay ginawa ng gobernador nitong Lunes sa pagpulong ng Provincial Anti-Dengue Task Force. Isang Executive Order ang nakatakdang lagdaan ng gobernador kaugnay rito.
Sa panayam ng Energy FM Kalibo kay Dr. Cornelio Cuachon ng Provincial Health Office (PHO)-Aklan, kabilang sa posibleng pagamitan ng pondo ay ang pagbili ng mga karagdagang dengue testing kit at mga gamot.
Mababatid sa tala ng PHO-Aklan na umabot na sa 2,171 ang kaso ng dengue sa buong lalawigan sa taong ito, mataas ng 156 porsyento kumpara sa parehong peryod noong nakaraang taon. Labinlima na ang naitalang patay sa sakit sa taong ito.
Ang mga bayan ng Kalibo, Balete at Banga ay nakapagtala ng may pinakamataas na kaso ng dengue. Kapansin-pansin na sa mga nakalipas na linggo ay nakabilis ng pagtaas ng sakit sa buong lalawigan.
Samantala, napagkasunduan sa pagpupulong ng task force na isang sabay-sabay na paglilinis ang gagawin ng mga munisipalidad tuwing Biyernes, alas-3:00 hanggang alas-5:00 ng hapon at tuwing Sabado, alas-7:00 hanggang alas-9:00 ng umaga, sa apat na magkakasunod na linggo.
Nakatakda namang sumailalim sa Memorandum of Agreement ang gobyerno probinsiyal sa tatlong pribadong ospital sa Aklan para i-admit ang mga dengue patient na hindi kayang mai-admit sa mga pampublikong ospital dito sa bayan ng Kalibo.
Ang mga pribadong ospital ay popondohan ng gobyerno para sagutin ang gastusin ng mga pasyente.##
- Kasimanwang Darwin Tapayan (with report from Kasimanwang Jodel Rentillo), Energy FM Kalibo
No comments:
Post a Comment